Saturday , January 4 2025

Overpriced P70B-LRT Cavitex ipatitigil sa SC

FRONTISA na namang proyekto ng administrasyon ang nanganganib na hindi matuloy dahil sa anomalya.

Isang petisyon ngayon ang humihiling sa Korte Suprema na ipahinto ang nakatakdang pagpapatayo ng P70-bilyong Cavite Extension (CavitEx) Project na nakapaloob sa kontratang pinasok ng gobyerno at ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) noong Oktubre lamang.   

Hinihingi sa Kataastaasang Hukuman ng nasabing petisyon ang isang temporary restraining order (TRO) na pipigil sa Department of Transportation and Communications (DOTC), sa Light Rail Transit Authority (LRTA), at sa LRMC na ituloy ang pagpapatupad ng kontrata na tinagurian nitong “pinaka-dehado sa kasaysayan.”

Wala umanong kapangyarihan ang DOTC at ang LRTA na mag-award ng prangkisa sa LRMC dahil tanging ang Kongreso lamang ang binigyan ng karapatang ito ayon sa nagsampa ng nasabing hakbang sa hukuman na si Dean Salvador Belaro Jr., ng St. Dominic Savio College of Law (Caloocan City).

Sinabi niyang nilabag ng “closed door negotiations” na isinagawa para sa proyekto ng mga nabanggit na ahensiya ang karapatan sa impormasyon na itinatadhana ng Saligang Batas.

Tinutukoy sa Cavite Extension Project ang pagpapatayo at pagpapalawig sa operasyon ng LRT Line 1 mula sa kasalukuyang dulong estasyon nito sa Baclaran hanggang sa Cavite. Maliban sa planong Satellite Depot sa pinakahuling estasyon, tatawirin din ng pinalawig na linyang ito ang mga lungsod ng Parañaque at Las Piñas hanggang makarating sa Bacoor, Cavite.

“Binigyan ng LRTA at ng DOTC sa kontratang ito ang concessionaire na LRMC ng natatanging karapatan sa loob ng 32 taon, “extendible” hanggang 50 taon, na pangasiwaan ang operasyon ng kasalukuyang LRT Line 1, ang planong “common station” na itatayo sa North EDSA Station ng MRT at lahat ng kita rito, kasama na ang ‘commercial revenue’ mula sa ‘non-rail services.’ Pati na ang kita mula sa pagde-develop ng mga lupaing nasasakop ng proyekto ay mapapasakanila rin, bilang kapalit ng pagpapalawig nila ng operasyon ng LRT Line 1 hanggang Cavite,” ayon kay Dean Belaro      

Tagang Presyo 

Bukod dito, ibinunyag din sa ilalim ng nasabing kasunduan, na “nakatakdang kumamal ng hindi kukulangin sa sa P7 milyon araw-araw sa benta ng LRT mula sa ‘effective date’ ng proyekto. Ito ay katumbas ng P210 milyon kada buwan o P2.53 bilyon taon-taon.”  

Ito, ayon sa dekano, ay sa kabila ng katotohanang ang halagang kailangang mapasakamay ng LRMC para umpisahan ang proyekto ay nasa P9.4 bilyong piso lamang katumbas ng kabuuang “concession payment” at ang P2.1 bilyon na itinakda para sa paseguro o “securities.”

Ang proyekto, ayon kay Dean Belaro, ay “overpriced” lalong-lalo na kung ihahambing sa katatapos lamang na North Extension Project na may habang 5.71 kilometro mula Monumento hanggang North EDSA at nagkakahalaga lamang ng P6.3 bilyon.

“Itong Cavite Extension Project, may distansyang 11.71 kilometro at kasinghaba lamang ng dalawang North Extension Project, ay magkakahalaga ng P70 bilyon. ‘Overpriced’ ito nang halos 300 porsyento ng aktwal na halaga o presyo ng proyekto,” bigay-diin nito.

Aniya, ang nakatakdang kikitain ng concessionaire na P1.6 bilyon taon-taon ay “bubukol pa sa karagdagang isang bilyong piso o mahigit pa. Halos tatlong bilyon kada taon dahil sa dami ng mga probisyon sa kasunduan na nag-uutos sa gobyernong magbigay ng kompensasyon o kabayaran sa LRMC sa maraming pagkakataon.”

“Ang lahat nang ito ay nagpapakita ng isang ‘self-liquidating project’ para sa concessionaire na LRMC na ang kasalukuyang kinikita ng LRT Line 1 at ang kita mula sa pinalawig nitong operasyon hanggang Cavite ang siyang tatakip sa anumang ‘advance’ na inilabas nito. Ibig sabihin, may malakas na basehan kung sasabihin nating sa kadulu-duluhan nito ay lalabas na wala ni isang kusing na ilalabas ang concessionaire para sa proyektong ito,” giit ng dekano.

“Samantalang ang gobyerno, dahil sa ‘financial package’ na nakasaad sa kasunduan, ay wala ni singkong-duling na kikitain sa loob ng ‘concession period’ na 32 taon hanggang 50 taon. Lalabas na ang gobyerno pa rin ang magbubuhat sa halaga at bigat ng kasunduang ito, maisakatuparan lamang ang proyekto. Ito na ang pinakadehadong kontrata ng gobyerno, noon paman,” padaing pang bunyag ni Belaro.

About hataw tabloid

Check Also

Year End 2024 RTEC Meeting cum SETUP iFund Awarding Ceremony Showcases Progress and Innovation

Year End 2024 RTEC Meeting cum SETUP iFund Awarding Ceremony Showcases Progress and Innovation

The Department of Science and Technology (DOST) Region 02 concluded 2024 on a high note …

2024 SETUP PRAISE Awards Recognize Excellence in MSMEs Across Region 1

2024 SETUP PRAISE Awards Recognize Excellence in MSMEs Across Region 1

The Department of Science and Technology (DOST) Regional Office 1 recognized the 2024 SETUP PRAISE …

Lipa students learn science storytelling basics

Lipa students learn science storytelling basics

By Ryan Spencer P. Secadron, DOST-STII “Effective storytelling is key to science writing,” this was …

Playtime celebrates milestone year with media thanksgiving event

Playtime celebrates milestone year with media thanksgiving event

PlayTime, the fastest-growing online entertainment games platform in the Philippines, announced its milestones at the …

ArenaPlus Austin Reeves FEAT

ArenaPlus brings Austin Reaves Fan a Once in a Lifetime Experience

ArenaPlus “Meet Austin Reaves in Los Angeles” official campaign poster. ArenaPlus, the country’s 24/7 digital …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *