TUWANG-TUWA ang kaibigang Vinia Vivar nang malamang may SineAsia project ang Viva International Pictures dahil mapapanood na niya ang mga pelikula ng kanyang paboritong Korean actor na si Lee Seung Gi.
Ang SineAsia ay magtatampok ng mga nangunguna at pinakabagong pelikulang Asyano na eksklusibong ipalalabas sa SM Cinema at Walter Mart Cinemas. Lahat ng mga pelikula ay isasalin sa wikang Filipino para sa benepisyo ng mga manonood. Upang lalong mabigyang importansiya ang pagtataguyod ng pelikulang Asyano, ang SM Lifestyle Entertainment Inc., ang kompanyang namamahala sa SM Cinemas at Walter Mart Cinemas ay bumuo ng Sine Asia Theater na ididisenyo ayon sa oriental na tema upang magbigay ng kakaibang karanasan sa mga manonood. Ang Sine Asia Theater, ay ang unang sinehan sa bansa na magpapalabas ng mga pelikulang Asyano na nakasalin sa wikang Filipino.
Kaya lamang, wala sa mga ipinakitang pelikula sa amin ang pinagbibidahan ni Lee Seung Gi, tulad ng Todays Love (Love Forecast) kaya naman kinausap namin ang aming kaibigang si Leigh Legaspi, Vice President of Viva Communications Inc., para tanungin kung bakit walang pelikula si Lee eh ito pa naman ang superstar at sikat na Korean actor.
Ani Ms. Leigh, nasa kanila na ang Love Forecast at pinag-uusapan na kung kailan ito ipalalabas.
Anyway, kahapon ay nilagdaan na ni Edgar C. Tejerero, presidente ng SM Lifestyle Entertainment, Inc. at ni Vic Del Rosario, Chairman of the Board at CEO ng Viva Communications ang kontrata para sa pagtatatag ng SineAsia. Kasabay ng pagdiriwang ng ugnayan ng dalawa sa pinakamalaking entertainment company sa bansa, ay ang pagbubukas ng pinto para sa mga tanyag na pelikulang Asyano na ngayon ay mapapanood na sa wikang Filipino.
Magiging pangunahing atraksiyon sa Marso ang pelikulang Gangnam Blues na pinagbibidahan ni Lee Min Ho. Kumita ito ng 7.6 Million USD sa unang linggo at inaasahan pang tataas sa pagpapalabas sa 13 ibang bansa sa Asya kasama na ang Pilipinas. Ginamit ng nasabing pelikula ang tanyag at popular na kanta ni Freddie Aguilar na Anak bilang pagbibigay pugay. Ang mga pelikulang Vegas To Macau, Once Upon a Time in Shanghai, SPL 2, Mourning Grave, My love, My Bride, at Rise of the Legend na pinagbibidahan ng mga batikang aktor tulad nina Chow Yun Fat, Tony Jaa, Nicholas Tse, at Kim So-Eun ay ipalalabas at mapapanood din sa SineAsia Theater. Mapapanood ang mga nasabing pelikula sa mga SM cinemas—SM Megamall, SM Sta. Mesa, SM Fairview, SM Iloilo, SM Bacoor, SM Cebu, SM Manila, at SM North Edsa para sa pagtatatag ng SineAsia Theater sa bansa. Ang SM Cinema ay bukas sa posibilidad na pagpapalabas sa iba pa nitong sangay sa bansa depende sa taas ng pangangailangan ng mga pelikulang Asyano na maipalalabas.
Tanging ang mga pelikulang mula sa Viva International Pictures ang ipalalabas sa SineAsia Theater. Ito ay manggagaling mula sa mga malalaking istudyo ng mga bansang Korea, Japan, Hong Kong, Thailand, at Taiwan kagaya ng CJ Entertainment, Showbox, TOEI Company LTD, 9ers Entertainment, Showgate, Megavision Pictures, EDKO Films Ltd., Wada, Lote, Sahamongkol, TOHO, Kadokawa Pictures TBS, at Star Alliance. Ang lahat ng mga pelikulang itatampok ay ang mga pinakamagagandang pelikula na maihahandog ng buong Asya.
Bago pala naganap ang contract signing, inilunsad ng Viva ang kanilang Tagalized Movie Channel (TMC) noong October 2014. Ang TMC ay ang kauna-unahang ‘pay-channel’ na nagtatampok ng Tagalized na pelikula mula sa ibang bansa sa Asya rito sa Pilipinas.
Sa pamamagitan ng SineAsia, maaari na ninyong lakbayin ang buong Asya sa bawat pelikulang inyong mapapanood.
ni Maricris Valdez Nicasio