Resignation ng ‘kaibigan’ tinanggap ni PNoy (Suspendidong PNP chief nagbitiw na)
hataw tabloid
February 6, 2015
News
INIHAYAG ni Pangulong Benigno Aquino III sa key Cabinet members sa Malacañang na tinanggap na niya ang pagbibitiw ng kanyang kaibigan na si Alan Purisima bilang hepe ng Philippine National Police (PNP).
Ayon sa dalawang senior government sources, inianunsiyo ito ng Pangulo sa Cabinet members sa Malacañang nitong Huwebes.
“He said it matter of factly,” ayon sa isang source sa Rappler.
“He said, ‘I have accepted General Purisima’s resignation.’”
Ang anunsiyo ay makalipas ang halos dalawang linggo makaraan ang special police operation laban sa dalawang pangunahing terorista na ikinamatay ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF). Ang nasabing operasyon noong Enero 25 ay pinangasiwaan ni Purisima bagama’t siya ay suspendido noon.
Gayonman, sinabi ng abogado ni Purisima na si Kristoffer James Purisima: “As far as I know General Purisima has not tendered any resignation.”
Giit ni Roxas kay Pnoy na sibakin sina Purisima Ochoa itinanggi ng Palasyo
ITINANGGI ng Malacañang ang lumabas na balitang iginiit ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na sibakin na sina suspended PNP chief Alan Purisima at Executive Secretary Paquito Ochoa.
Kaugnay pa rin ito ng madugong operasyon sa Mamasapano, Maguindanao na ikinamatay ng 44 pulis.
Batay sa report ng pahayagang Manila Standard Today, galit na pumasok si Roxas sa tanggapan ni Aquino nitong Martes at binanggit na dapat sibakin at huwag nang idepensa si Purisima kundi ito ang magiging dahilan ng pagbagsak ng kanyang panunungkulan.
Sa kaso ni Ochoa, dapat aniyang sibakin bilang pagpapakitang sinsero ang pamahalaan na makamtan ng mga kapamilya ng mga pulis ang hustisya.
Ngunit sinabi ng Pangulo na hindi niya magagawa ang hirit ni Roxas kaya nag-walkout ang kalihim at malakas na isinara ang pintuan ng tanggapan ni Aquino.
Ngunit sa text message, matipid na sinabi ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma na hindi totoo at walang batayan ang report.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, kuwentong kutsero ang ulat at produkto lamang ng mga taong may malikot na pag-iisip.