BUKOD sa mga biktima ng bagyong Yolanda na makakasalo sa pananghalian ng Santo Papa, tatlong pamilya ang inimbitahan para makasalamuha nang personal si Pope Francis sa Mall of Asia (MOA) Arena.
Sinabi ni Father Dennis Soriano, ang nangangasiwa para sa Liturgy on the Encounter of Families, ang mga pamilya na mapipili ay ibabatay sa rekomendasyon ng mga parokya.
Isa sa mga pamilya ay kakatawan umano sa mahihirap, isa naman ay kakatawan sa pamilyang OFW at ang isa naman ay kakatawan sa mga persons with disabilities (PWD).
Layunin aniya ng pakikisalamuhang ito na maipaunawa kay Pope Francis ang kalagayan o situwasyon na kinakaharap ng bawat pamilyang Filipino.
Hindi naman sabay-sabay ang gagawing pakikisalamuha ng tatlong pamilya ngunit ang bawat isa ay bibigyan ng pagkakataon na personal na makausap ang Santo Papa.
Sa nasabing pakikisalamuha, inaasahang ibabahagi ng Santo Papa ang mensahe ng pag-asa, pag-ibig, at ang diwa ng “mercy and compassion” na tema ng pagbisita ni Pope Francis sa bansa.
Kahapon, inilunsad ang mobile application para sa pagbisita sa bansa ni Pope Francis, ang PAPAL VISIT 2015.
Sinabi ni Bishop Mylo Hubert Vergara, Chairman ng Committee on Information and Media Relations, ang mobile app ay maaari nang ma-download sa mga cellphone o computer na may IOS at Android Software.
Tampok sa mobile app ang link sa website ng Papal Visit, itinerary o detalye ng kanyang pagbisita at link sa mga balita kaugnay ng paghahanda at sa mismong araw ng kanyang pagbisita.
Layunin din ng paglulunsad ng Papal Visit Mobile App na maipakalat ang magandang mensahe ng pagdating ng Santo Papa.
Leonard Basilio