MABUSISI ang prosesong sinusunod ng pamahalaan sa pagdetermina ng bilang mga namatay sanhi ng bagyo kaya mabagal ang paglalabas ng ulat.
Ito ang sagot ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte sa puna na mas mababa ang bilang ng casualty sa kalamidad na inilalabas ng pamahalaan kompara sa ibang mga grupo.
“We have a system of verification that doesn’t only involve eyeballing the casualty. The cause of death has to be determined whether it is connected to the typhoon,” aniya.
Rose Novenario
P1-B pinsala sa agrikultura
UMABOT sa P1,040,396,000 ang naitalang pinsala ng bagyong Ruby sa sektor ng agrikultura ng bansa.
Ito ang paunang ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon kasunod ng pagganda ng panahon.
Ang pinsala sa agrikultura ay mula sa rehiyon 5, 6 at 8 na pawang binagtas ng bagyo.
Patuloy ang pagkalap ng NDRRMC sa kabuuang danyos ng bagyo sa imprastraktura.
Patay kay Ruby 27 na — Red Cross
UMAKYAT na sa 27 ang bilang ng mga namatay kaugnay ng pananalasa ng bagyong Ruby sa bansa.
Ayon kay Philippine Red Cross (PRC) Chairman Dick Gordon, 16 ang namatay sa Borangan, Eastern Samar, tatlo sa Dolores, Samar kung saan unang nag-landfall ang bagyo, tatlo sa Iloilo, isa sa Hernani, Eastern Samar, isa sa Calbayog, Samar at isa sa Northern Samar.
8 patay, 151 sugatan kay Ruby — NDRRMC
WALO ang kompirmadong namatay habang 151 ang mga nasugatan sa pananalasa ni bagyong Ruby, batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ang mga namatay ay mga residente ng Region 4-A, 4-B, 7, at 8.
Nananatili pa rin sa evacuation centers sa iba’t ibang lalawigan sa bansa ang 369,193 pamilya.
Umaabot sa P1.04 milyon ang tinatayang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura sa Region 5, 6, at 8.
1.7-M katao nasa evacuation centers pa
NASA evacuation centers pa rin ang halos 1.7 milyong katao sa kabila ng unti-unting paglayo sa Filipinas ng bagyong Ruby.
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kabuang 371,846 pamilya o katumbas ng 1,699,041 na katao ang nasa evacuation centers ngayon.
Evacuees Sa Mindoro na-virus
NAGKAKASAKIT na ang ilang residente ng Calapan, Mindoro na sumilong sa mga evacuation center dahil sa banta ni Bagyong Ruby.
Batay sa ulat ng Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), 122 evacuees ang tinamaan ng ubo, sipon at lagnat.
Ayon kay Mayor Arnan Panaligan, aabot sa 3,700 pamilya o mahigit 11,000 residente ang nananatili sa 21 evacuation centers ng lungsod at hindi pa kabilang dito ang mga nasa barangay hall.
E. Samar sa bisperas ng pasko magkakailaw
SA bisperas pa ng Pasko mapaiilawan ang buong Eastern Samar makaraan hagupitin ng bagyong Ruby.
Sinabi ni Department of Energy (DeE) Secretary Jericho Petilla, pinakamatinding napinsala sa aspeto ng suplay ng koryente ang Eastern Samar dahil nasa 1,000 poste ang bumagsak doon.
Target aniya nilang maibalik ang suplay ng koryente sa naturang lalawigan hanggang Disyembre 24 o bisperas ng Pasko.