NAHARANG ng mga awtoridad ang isang lalaking sinasabing tangkang sunugin ang Manila Police District (MPD) headquarters kahapon.
Naaktuhan ng mga gwardiyang pulis ng MPD ang suspek na sisindihan ang mitsa ng dala niyang dalawang bote ng molotov bomb.
Itinanggi ng suspek na si Benjamin Maurillo, 34, ng Sta. Ana, electrician, na susunugin niya ang tanggapan.
Ayon kay Maurillo, pan-self defense lamang ito dahil sa tangkang pagpatay sa kanya ng isang pulis.
Aniya, siya ay asset ng MPD District Anti-Illegal Drugs Division at plano na siyang patahimikin dahil sa dami ng kanyang nalalaman hinggil sa drug operation.
Una rito, ipinasara ng MPD director ang nasabing division, sinibak at pinaimbestigahan ang lahat ng tauhan nito dahil sa katiwalian.
Samantala, inamin ng suspek na dati na siyang nakasuhan ng tangkang panununog sa San Andres noong 1995.
Leonard Basilio