DAVAO CITY – Kinondena ng isang grupo ng mga kababaihan ang panghahalay ng isang sundalo ng 84th Infantry Battalion sa isang menor de edad na ginang sa Bukidnon.
Sa kanilang kilos-protesta sa harap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Eastern Mindanao Command headquarters nitong Martes, isinalaysay ni Cora Espinoza ng militanteng Gabriela Southern Mindanao, ang sinapit ni Girlie, 16-anyos, na ginahasa noong Nobyembre 20 dakong 1 p.m. sa Maluos, Bukidnon.
Ayon kay Espinoza, masigasig sa panliligaw ang hindi pinangalangang sundalo ngunit paulit-ulit na binasted ni Gerlie na mayroon nang kinakasama at anak.
Aniya, hinintay ng sundalo na makaalis ang asawa bago inatake si Girlie. Tinakpan ng unan ng suspek ang mukha ng biktima, itinulak ang anak saka isinagawa ang panggagahasa.
Na-trauma sa insidente, humingi ng tulong ang biktima sa lokal na opisyal na nagdala sa kanya sa Gabriela para sa therapy at paghahain ng kaso.
Sa kanyang panig, sinabi ni Councilor Leah Librado-Yap, chairperson ng Davao City Committee on Women and Children, ang insidenteng, “is a challenge for us to push the government on its primary duty to protect and advance the rights and welfare of women and the people.”
Nanawagan siyang panagutin ang gobyerno sa aniya’y pagpapatupad ng military operations sa rural communities na naging dahilan upang maitaboy ang mga kababaihan at kabataan.
Sinabi ni Librado, tinatayang 400 kaso ng Violence against Women and Children (VAWC) ang ini-refer sa kanyang tanggapan, at 70 porsiyento nito ay mga kaso ng economic abuses sa kababaihan.
“Our office is running a family mediation (service) wherein abandoned wives can seek assistance in demanding financial support from their husbands or partners,” pahayag ni Librado.
Binanggit din ni Librado, ang umiiral na batas na “supposedly protect women” katulad ng Magna Carta for Women, Republic Act 9262 (Anti-Violence Against women and Children Act), at Women Development Code.
Dagdag ni Librado, dapat nang igiit sa gobyerno ang ganap na pagpapatupad ng nasabing mga batas na poprotekta sa kababaihan.
davaotoday.com