HINDI natinag ang mga abogado ng Pamilya Laude sa bantang disbarment ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kasunod ng insidente sa Camp Aguinaldo noong Oktubre 22.
Matatandaan, sumampa noon sa bakod ng kampo sina Marilou Laude, kapatid ng pinaslang na transgender na si Jeffrey Laude alyas Jennifer, at Marc Sueselbeck, fiance ng biktima, sa pagtatangkang makita ang nakapiit roong si US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton na suspek sa krimen.
Partikular na pinagbantaan ng AFP si Atty. Harry Roque ngunit kasama rin noon ng mga Laude ang isa pang legal counsel na si Atty. Virgie Suarez.
Iginiit ni Suarez wala silang ginawang mali.
“This is something we do not understand, ‘yung disbarment proceedings na ibinabato ngayon sa amin.”
“We did not do anything wrong. Nandun lang kami sa kampo, inaasistehan namin ang aming mga kliyente kaya hindi namin maintindihan, all of a sudden, gustong magsampa ng kaso na disbarment,” paliwanag ni Suarez.
Gayonman, hindi aniya sila papatinag dito.