Sumugod sa mendiola ang mga nurse buhat sa ibat ibang hospital para magsagawa ng kilos protesta sa gobyernong aquino para sa kanilang increase na 25.00 pesos na pinangunahan ng Alliance of Health Workers (BONG SON)
NAGMARTSA patungong Mendiola mula sa University of Sto. Tomas sa España Boulevard sa Maynila ang grupo ng mga nurse kahapon.
Pawang nakasuot ng itim na T-shirt at arm band ang mga nurse mula sa binuong Justice for Nurses Coalition na kinabibilangan ng grupong Nurse 4 Change Movement, Nars ng Bayan at Alliance of Health Workers.
Layon ng martsa na igiit sa pamahalaan ang hiling na dagdag sahod at sapat na trabaho para sa kanilang hanay.
Ayon kay Carl Balita, isa sa co-convenor, mayroong private nurses na sumasahod ng P4,000 hanggang P12,000 habang P15,000 hanggang P18,000 kada buwan ang sahod ng public sector nurses na mas mababa pa sa minimum wage.
Umaabot din aniya ng 300,000 nurses ang underemployed at 200,000 unemployed kaya napipilitang tumanggap na lang ng ibang trabaho.
Giit ng grupo, ipatupad ng pamahalaan ang salary grade 15 na nagtatakda ng sweldong P25,000 para sa nurses alinsunod sa Philippine Nursing Act of 2002.
Inupakan din nila ang ilang private hospitals na naniningil ng training fee sa mga bagong graduate na nurse para makakuha ng employment certificate gayondin ang isyu ng contractualization at kawalan ng job security.
(LEONARD BASILIO)