NASA panganib ang buhay ng HATAW photojournalist matapos pagbantaan ang kanyang buhay ng pinaniniwalaang mga miyembro ng isang malaking sindikato ng droga sa Valenzuela City.
Si Ric Roldan, news photographer ng Hataw D’yaryo ng Bayan ay nakatanggap ng pagbabanta nang matagumpay na masakote ng mga awtoridad ang anim katao kabilang ang isang bigtme pusher sa isang drug-bust na ginawa sa nasabing lugar.
Sa nasabing lugar sinabing dating residente si Roldan kaya pinagbibintangan siya ng mga naaresto na nagnguso sa mga awtoridad.
Maaalalang nitong nakalipas na linggo, anim katao kabilang ang umano’y pusher ng shabu ang naaresto ng mga awtoridad matapos salakayin ang bahay nito at inabutan pa ang isang shabu session.
Kinilala ang mga suspek na sina Randy Ordejon, Elmer Atoli, Joven Marte, Edwin Catuday, Virgilio delos Reyes at John Paul Caro na pawang nahaharap sa patong-patong na kaso ng paglabag sa Dangerous Drugs Act, pawang residente sa No. 88 Abalos Bukid, Gumamela Ext., Brgy. Gen. T. De Leon at malapit sa bahay ni Roldan.
Dahil dito, nakatanggap ng pagbabanta sa kanyang buhay si Roldan na labis niyang pinangangambahan.
Nanawagan na rin sa mga awtoridad si Roldan nang agarang aksyon upang masawata ang malaking sindikato ng droga sa kanilang lugar.
Nakuha sa pag-iingat ng mga suspek ang dalawang sachet ng shabu, drug paraphernalia, bala ng baril, dalawang motorsiklo, 2 holster at 2 unit ng DVD player na dinala ng mga awtoridad upang maging ebidensiya laban sa mga naaresto.
(ROMMEL SALES)