NAGKUKUMAHOG sa pagpapatala ang ilang mga estudyante sa huling araw ng pagpaparehistro para sa SK elections sa tanggapan ng Comelec sa Quezon City kahapon. (RAMON ESTABAYA)
NAIS ng Commission on Election (Comelec) na iurong sa 2016 ang nakatakdang Sangguniang Kabataan elections sa Pebrero 2015.
Ito ay bagama’t iniliban na ang nakatakdang SK elections noong 2013.
Sinabi ni Spokesman James Jimenez, bagama’t kaya ng poll body na ipatupad ang halalan sa susunod na taon, ito ay makasasagabal sa paghahanda sa automated presidential elections para sa 2016.
Bukod dito, sinabi ni Jimenez, kung ipatutupad ang SK elections sa Pebrero, kalahating termino ang mawawala, habang kung sa Oktubre 2016 gaganapin ay para lamang nag-skip ng isang termino.
“Hindi naman natin hinihiling ‘yung abolition, it is just basically resynching the SK elections. Kasi kung papasok siya ng February ngayon kumbaga kalahating termino ang mawawala sa kanya whereas kung gagawin natin sa October 2016 para ka lang nag-skip ng isang termino,” pahayag ni Jimenez.
Ang nasabing panukala ay tinatalakay pa sa Kongreso.