ARESTADO ang dalawa sa 16 miyembro ng New Peoples Army (NPA) ngunit hindi narekober ng mga awtoridad ang dinukot na 57-anyos retiradong sundalo sa isinagawang hot pursuit operation sa Tanay, Rizal.
Kinilala ni Chief Inspector Reynaldo Francisco, hepe ng Tanay PNP, ang dinukot na si Master Sargeant Lino Hernandez, may-asawa at nakatira sa Brgy. Tinucan, Tanay.
Habang arestado ang dalawang rebelde na sina Maritess Marquez y dela Cruz, 43, at Rosario Loreto y Marquez, 37, kapwa tubong General Nacar, Quezon at nakatira sa Sitio Tumbil, Brgy. Umiray, Gen. Nacar, Quezon.
Ayon kay Virginia Filipino y dela Cruz, 50, dakong 6:30 p.m.
kamakalawa ay nagtungo sa kanilang bahay sina Loreto at Marquez kasama ang 14 pang armado ng matataas na kalibre ng baril, nagpakilalang mga miyembro mga CPP-NPA at dinukot ang biktima.
Agad isinagawa ng mga elemento ng 59th at 16th Infantry Batallon at Tanay PNP na pinamunuan nina 2LT Ronnel Avanzado at Chief insp. Reynaldo Francisco, ang hot pursuit operation sa kabundukan ng Gen. Nacar na ikinadakip ng dalawang suspek ngunit hindi narekober ang biktima.
(ED MORENO)