NABISTO ngayon sa Senado na may dalawang kompanya na pag-aari ni Vice President Jejomar Binay ang hindi naideklara sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at isa sa nasabing kompanya ay nagmamay-ari ng lupa sa Makati na nagkakahalaga ng mahigit P1 bilyon.
Batay sa mga dokumentong isinumite sa Senate Blue Ribbon Committee, napag-alaman na nagagawang itago ni Vice President Binay ang kanyang mga negosyo at ari-arian sa pamamagitan ng paggamit ng dummies o fronts na nangangalaga sa kanyang interes.
Nabunyag ang modus operandi ni Vice President Binay sa pagtatago ng kayamanan nang isumite ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado sa Senado ang dalawang folder na dokumento na naglalaman ng mga pangalan ng dummies ng Pangalawang Pangulo sa kanyang mga negosyo.
Lumutang din sa Senado ang isa sa mga dummies, si Jose Orillaza, na umaming kasosyo niya ang Pangalawang Pangulo sa Omni Security Investigation and General Services na may monopolyo sa pagsu-suplay ng mga guwardya at janitors sa Makati City Hall at iba pang pribadong kompanya sa siyudad.
Bukod sa nasabing security and janitorial agency, isa pa sa mga sinasabing kompanya ni Vice President Binay ang New Meriras Development Corporation na nagmamay-ari ng 8,877 square meters na lupa sa Makati.
Ayon kay Mercado, ang nasabing lupain ay dating pag-aari ng gobyerno at pinapamahalaan ng 525thArmy Engineering Battalion. Nailipat umano ang titulo ng lupa sa New Meriras Development Corp., noong unang bahagi ng taon 2000 matapos sumailalim sa public lease ang nasabing lupain.
“Ipinatawag ako ni VP Binay noon sa harap ni dating City Engr. Nelson Irasga at sinabihan na kausapin ko ang 525th Army Engineering Battalion para pumayag na hatiin ang nasabing lupain,” kuwento ni Mercado.
“Pumayag ang Army nang sabihin ko na ang kalahati ng lupain ay ibibigay sa kanila para tayuan ng pabahay para sa sundalo samantala ang kalahati naman ay gagamitin ng Makati City Hall para sa pabahay sa mahihirap naming residente,” dagdag niya.
Imbes gamitin para sa mahihirap, sinabi ni Mercado na inilipat ang titulo ng lupa pabor sa New Meriras Development Corporation na pinatatakbo ni Vice President Binay gamit ang kanyang mga dummies na pinamumunuan ni Erlinda Chong at Gerry Limlingan.
Si Chong, aniya, ay asawa ni Vic Chong na matalik na kaibigan ni Vice President Binay at ka-badminton araw-araw. Siya rin umano ang ginagamit na dummy ng pamilya Binay para sa pasu-suplay ng birthday cake na ipinamimigay ng Makati City Hall sa matatandang residente.
Si Limlingan naman ang ‘bagman’ umano ni Vice President Binay na nauutusang mangolekta ng suhol mula sa mga kontratista ng Makati para makalikom ng pondong gagamitin sa pagkampanya sa eleksyon.
“Ako ang nagtrabaho, nagsukat at nag-ayos ng papel para malipat sa Meriras ang titulo ng lupa. Gagamitin sana ‘yan para sa pabahay sa mahihirap sa Barangay Comembo pero naiba ang interes at hindi na para sa gobyerno,” ani Mercado.
“Lahat ng negosyong nakatayo roon, three-story building, wet and dry market, grocery, RTW, ay pag-aari ni Vice President Binay at Mrs. Chong. Pinamamahalaan ito ni Gerry Limlingan,” dagdag ng dating bise alkalde.
Si Chong din, ayon kay Mercado, ang isa sa mga dummies ng Pangalawang Pangulo sa kompanya nitong Omni Security Investigation and General Services na nairehistro sa Securities and Exchange Commission noong taong 1999.
Sinabi ni Jose Orillaza, presidente ng Omni Security Investigation and General Services, sa Senate Blue Ribbon Committee na tinanggal siya ni Vice President Binay sa nasabing kompanya pati ang ilang miyembro ng Board of Directors matapos manalo sa 2010 Vice Presidential Election.
Ipinalit umano sa kanila ang grupo ni Erlinda Chong kasama sina Hirene Lopez, asawa ni Tommy Lopez na presidente ng Univesity of Makati (UMAK) at Board of Trustees ng PAG-IBIG, gayondin ang asawa ni Limlingan na si Marguerite Lichnock.
Nang siya pa ang presidente ng nasabing kompanya, sinabi ni Orillaza na hindi siya puwedeng pumirma ng tseke kung hindi rin pipirma si Gerry Limlingan.
Inamin ni Orillaza ni dummy lamang siya ni Vice President Binay at pumayag siya sa modus operandi na ito kapalit ng suweldong P50,000 hanggang P70,000 buwan-buwan.
“Pumayag akong maging dummy ni Vice President Binay dahil kung hindi ko siya isasama sa kompanya, hindi kami makasisingil sa Makati city hall,” paliwanag niya.
HATAW News Team
SENATE HEARING ‘DI SINIPOT NG MAG-AMANG BINAY
HINDI sinipot ang mag-amang sina Vice-President Jejomar Binay at Makati City Mayor Jejomar “Junjun” Binay ang pagdinig sa hearing sa Senado kaugnay sa imbestigasyong may kaugnayan sa sinasabing overpriced sa Makati City Hall Building 2.
Kinuwestiyon ng alkalde ng Makati ang hurisdiksiyon ng Senado sa imbestigasyon sa akusasyon laban sa mga Binay particular kay Vice President Jejomar Binay, na may kaugnayan sa sinasabing maanomalyang mga proyekto sa pamahalaang lungsod ng Makati katulad ng overpriced na pagpapatayo ng Makati City Hall Building 2.
(JAJA GARCIA)
Hamon ni Cayetano
BANK ACCOUNTS NI BINAY BUKSAN
HINAMON ni Senador Alan Peter Cayetano si Vice President Jejomar Binay na buksan at ipabusisi ang kanyang bank accounts.
Ito’y bilang bahagi ng pagkasa ng bise presidente sa lifestyle check.
“Mag-submit po siya ng waiver ng bank secrecy,” sabi ni Cayetano.
“Kung ayaw ni Vice President na tayong lahat, magsabi siya. Kanino siya may tiwala – sa CoA, Pangulo ng Republika, BIR o sa Ombudsman? Buksan po ‘yung bank accounts at makita natin ‘yung records.”
Nais din ni Cayetano na maglabas ng mga dokumento si Binay upang mabusisi ng publiko kung akma ang yaman niya sa nakasanayang lifestyle sa nakalipas na 20 taon.
(CYNTHIA MARTIN/
NIÑO ACLAN)