NAKAPAGTULAK NG MALAKING PROTESTA SI KURIKIT PERO MABILIS DIN ITONG ‘PINALAMIG’ NG MALAKAS NA ULAN
Aniya, kung matinong magugugol ang pork barrel ay malaking badyet na sana iyon para matugunan ng gobyerno ang mga pa-ngunahing pangangailangan ng mga mamamayan: serbisyong pangkalusugan, edukasyon, pabahay at iba pa.
Sa bisa ng kapangyarihang taglay ng singsing ni Kurikit ay naitulak niyang mag-rally sa harap ng Palasyo ng Malakanyang ang mga aping mamamayan sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Apaw ang mga raliyista sa Chino Roces Bridge hanggang Recto. Umaalingangaw sa buong paligid ang malalakas na sigawan ng nagsasama-samang mga tinig na bumabatikos sa Pangulo at sa mga mambabatas ng bansa. Tila nanggigigil ang lahat sa pagwawasiwas ng kuyom na kamao.
“Magnanakaw sa kabang-yaman ng ba-yan, parusahan!”
“Bitayin nang patiwarik ang mga kawatan!”
“Mga dorobo sa kongreso at senado, ibagsak!”
Pero wala nang tigil noon ang pagpasok ng bagyo sa bansa. Biglang buhos ang malakas na ulan – mistulang isinasaboy na tubig mula sa kalangitan. Anak ng tungaw! Minuto lang at naglahong tila bula ang mga raliyista. Isa man ay walang natira sa kalye. Puro placard at streamer lang ang naiwan doon. Ang mga tinamaan ng magaling ay nagsilungan sa mga fastfood, coffee shop at iba pang establisimyento sa palibot ng Recto area. Ang marami sa mga lumahok sa kilos-protesta ay nagkanya-kanyang uwi sa kani-kanilang bahay.
Luminaw sa utak ni Kurikit na ang mga walang prinsipyong tao ay maitutulad sa isang sakong walang laman na hindi talaga makatatayong mag-isa.
“Dahil hindi sapol ng kanilang kamalayan ang kailangang ipakipaglaban ay madali silang maging palasuko… At higit na nangingibabaw sa kanila ang pagka-makasarili,” naisaloob ng binatang duwende.
Inihatid muna ni Kurikit si Monica sa barangay hall at saka siya umuwi sa bahay nina Aling Rosing at Mang Nato. (Itutuloy)
ni Rey Atalia