Friday , December 27 2024

Purisima inayawan noon ni Mayor Lim maging MPD chief?

00 Kalampag percySINAMPAHAN ng patong-patong na kasong plunder, graft at direct bribery sa Ombudsman ng grupong Coalition of Filipino Consumers (CFC) kamakalawa si Director General Allan Dela Madrid Purisima, ang hepe ng Philippine National Police (PNP).

Ayon sa CFC, ang pag-amin ni Purisima na naipaayos ang P25-M mansion o White House sa loob ng Camp Crame na official residence ng PNP chief ay DIRECT BRIBERY na ang ginastos na pondo ay galing daw sa kanyang mga “Bro” sa “Mason.”

Muntik na tayong mahulog sa ating kinauupuan at mapasigaw ng “SANTISIMA y PURISIMA” nang mapanood natin sa programa ni Ted Failon ang ‘di umano’y resthouse ni Purisima sa Barangay Magpapalayok, San Leonardo, Nueva Ecija, pero “FORTRESS MANSION” na matatawag ang dating at dinaig pa ang magagarang bahay ng mga bilyonaryong naninirahan sa Beverly Hills, California.

Sa ‘kulang-kulang’ at hindi kompletong deklarasyon ng mga ari-arian sa kanyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN), P3.7-M lang raw ang halaga ng napakalaking mansion na nakatirk sa napakalawak na lote.

May mga ari-arian din si Purisima sa Cabanatuan City, Nueva Ecija, sa Dasmariñas, Cavite, house and lot sa Caloocan City, lote sa Ilocos Sur at condominium unit sa Cubao, Quezon City, na kung susumahin ay hindi tutugma sa kanyang buwanang suweldo na P67,000 bilang PNP chief, isama pa ang kita ng kanyang maybahay na P49,750 bilang treasury examiner.

Sa isinumiteng 2013 SALN ni Purisima sa Civil Service Commission (CSC), P6.5 milyon lang ang kanyang yaman, mas mababa kompara sa 2012 SALN niya na P8.9 milyon, gayong may mga negosyo pa raw siyang trucking and hauling services, at isang general merchandise shop.

Tahasang sinabi ni CSC Chair Francisco Duque, Jr., na maliwanag ang paglabag sa batas dahil hindi nakalagay ang address ng mga ari-arian na tinuran ni Purisima sa kanyang SALN.

Tama at hindi nga pala nagkamali si Mayor Alfredo Lim kung totoo ang balitang tumanggi siyang irekomenda si Purtis-sima, este, Purisima na maitalagang hepe ng Manila Police District (MPD).

Kaya, sa ano pa mang kadahilanan, si dating P/Chief Supt. Roberto “Boysie” Rosales na mahusay at maayos ang track record ang napiling paboran ni Mayor Lim at siyang naluklok na hepe ng MPD noong 2007.

Ang tanong: Magagawa kayang panagutin ng administrasyon ni PNoy si Purisima – dating close-in security ng Aquino sisters noong ang kanilang ina pa ang nakaupong pangulo – tulad nina Corona, GMA, Sens. JPE, Jinggoy Estrada at Bong Revilla?

MILAGRO NI COLOMA

SA PCOO AT NPO

BUBUSISIIN daw sa Kongreso ang mga milagrong nagaganap sa National Printing Office (NPO), isang opisina na nasa ilalim ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Sonny Coloma.

Pinagdududahang may mga nilutong kontrata sa PCOO at NPO para mapaboran ang ilang mapapalad na pribadong kompanya.

Garapalan na raw ang unti-unting pagpatay sa NPO para maagaw ng mga pribadong kompanya ang bilyon-bilyong halaga ng pag-iimprenta sa government documents, kasama ang mga balota sa eleksiyon.

Ang gustong ilaan na pondo para sa pasuweldo sa 441 kawani ng NPO sa susunod na taon ay P6,000 lamang, na ayon kay Coloma ay “experimental budget” upang ang panggastos ng ahensiya ay kunin sa internal income nito mula sa mga kontrata ng production at imprenta na ibibigay sa mga pribadong kompanya.

Halimbawa na ang kompanyang Ready Form, Inc. (RFI) na nakakorner ng malalaking printing contracts sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Ang RFI ang nakasungkit sa kontrata para ma-imprenta ang registration forms ng Region VI at VII noong 2012.

Dapat maukilkil muli ang paggawad ng NPO ng P784-M kontrata sa Holy Family Printing Corporation para sa pag-imprenta ng 55 million election ballots noong 2013.

Alinsunod sa Section 3 ng Memorandum Circular No. 180 na inilabas noong Agosto 13, 2009, “election forms shall be printed exclusively by the National Printing Office and/or the Bangko Sentral ng Pilipinas.”

Ano na rin kaya ang nangyari sa P200-M na ibinabayad ng NPO kada taon sa arkila ng rotogravure printing machines, gayong P70-M lang ang halaga ng isa kung bibilhin?

Lusot ba ito sa Commission on Audit (COA)?

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

Percy Lapid

About hataw tabloid

Check Also

Atty Joji Alonso Lorna Tolentino Judy Anne Santos Chanda Romero Espantaho

Juday, Chanda, Lorna nagpatalbugan, ilang eksena sa Espantaho makapanindig balahibo

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio IBANG klase talaga itong si direk Chito Rono. Forte talaga niya …

Coco Martin Julia Montes Topakk

Coco hindi naitago pagkabilib kina Arjo at Julia, Topakk pang-internasyonal

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio BILIB na bilib si Coco Martin kay Julia Montes kaya hindi ito napigilang sabihing, …

Offload

Offload direktor na si Rommel Ricafort, saludo sa husay ni Allen Dizon

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio MATAGUMPAY ang ginanap na special screening ng pelikulang Offload sa Gateway Cineplex, Cubao …

Chavit Singson 58 Days ng Milyong-Milyong Pa-Premyo

1-M views sa ikalimang  araw ng Chavit online game show

PUMALO na sa mahigit 1 milyon ang mga tagasubaybay ng ika-5 episode ng 58 Days ng …

Sue Ramirez Dominic Roque

Dom at Sue exclusively dating

PUSH NA’YANni Ambet Nabus ABA’Y date movie na rin lang ang usapan, sure na sure …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *