HINAMON ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga kritiko na sampahan ng kaso ang kanyang mga kaalyado kung naniniwala silang sangkot sa mga katiwalian.
“Well, the cards are open. If they think that I have dishonest people around me, then all they have to do is file an appropriate case,” tugon ni Pangulong Aquino nang tanungin ng isang Harvard University student kung ano ang maipapayo niya sa mga tumutuligsa sa sinasabing katiwalian ng kanyang mga kaalyado.
Paliwanag niya, ang Ombudsman ay nag-iimbestiga kahit sa mga reklamo ng mga hindi nagpapakilalang mamamayan upang mapurga ang mga hindi sumusunod sa daang matuwid.’
“The Ombudsman in particular, I think, even investigates instances where complaints are unsigned or anonymous precisely to ferret out those who are not treading the correct path,” aniya.
Dumalo si Aquino sa isang open forum makaraan magtalumpati sa Kennedy School of Government Institute of Politics sa Harvard University kahapon.
Kamakalawa ay sinampahan ng mga kasong indirect bribery, graft at plunder ng Coalition of Filipino Consumers si Philippine National Police (PNP) Director General Alan Purisima bunsod ng sinasabing pagsisinungaling sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Ngunit ibinida ng Pangulo ang pagpapakulong ng kanyang administrasyon kina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, Sens. Juan Ponce-Enrile, Jinggoy Estrada, at Bong Revilla at pagpapatalsik kay Chief Justice Renato Corona bunsod ng kasong pandarambong.(ROSE NOVENARIO)
SALN NI PURISIMA MAY VIOLATION – CSC
ANG kawalan ng detalye ang nasisilip na paglabag ni Civil Service Commission (CSC) Chair Francisco Duque III sa kopya ng statement of assets, liabilities and net worth (SALN) ni PNP Chief Alan Purisima.
Ayon sa ulat, tanging ang bayan at munisipalidad lamang ang nakasulat na address ng mga lote at ari-arian sa joint SALN ng mag-asawang Purisima.
Kabilang dito ang tatlong residential house and lot sa Caloocan, residential condo unit sa Cubao, Quezon City, residential na bakanteng lupa sa San Ildefonso, Ilocos Sur at residential house and lot sa San Leonardo, Nueva Ecija na nagkakahalaga ng P3.75 milyon.
Obserbasyon ni Duque, “Malinaw na malinaw na paglabag ‘yan.”
Paliwanag ng CSC chair, sa ilalim ng RA 6713 o Code of Ethics and Ethical Standards for Public Officials and Employees, kailangang detalyado ang pagtukoy sa mga real property ng isang public official para ma-‘characterize’ ang pag-aaring ito. Makatutulong aniya rito ang paglagay ng address at mismong gamit nito.
Alinsunod sa panuntunan ng komisyon, sa first offense sa pagkabigong magsumite ng SALN, kabiguang idetalye o misdeclaration dito, may kaakibat itong isa hanggang anim na buwan pagkakasuspinde.
Sa ikalawang offense, maaari nang masuspinde ang opisyal sa serbisyo.