NASAGIP ng mga operatiba ng NBI Anti-Human Trafficking Division ang pitong kababaihan na ibinubugaw sa bar at motel sa Pasay City. (ALEX MENDOZA)
NASAGIP ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pitong babae na ibinubugaw sa Pasay City.
Ayon kay Special Investigator Dodjie Durian, assistant team leader ng NBI Anti-Human Trafficking Division, lima sa mga biktimang nailigtas ay pawang menor de edad.
Ikinasa ang operasyon makaraan makatanggap ng intelligence report ang NBI hinggil sa prostitusyon sa mga menor de edad sa lungsod sa halagang P1,200 hanggang P1,500 bawat babae.
Nagpanggap na parokyano ang ilang NBI agent sa operasyon at natimbog sina Maureen Carlos, Nicole Entera at Rechie Ancuna na itinuturong mga bugaw.
Mahaharap sa mga kasong qualified trafficking at child abuse ang mga suspek na todo-tanggi at sinabing pinilit lang sila na maghanap ng mga ibubugaw na babae. Habang posibleng kasuhan din ang may-ari ng mga motel at bar kung saan nagaganap ang transaksyon sakaling mapatunayang may kinalaman sila sa nangyayaring prostitusyon.
(LEONARD BASILIO)