NANUMPA si Reynaldo Ordanes kay Judge Jose Paneda ng Komisyon ng Serbisyo Sibil bilang nagwaging alkalde ng Aliaga, Nueva Ecja sa Quezon City kamakalawa.
NANUMPA na sa tungkulin bilang tunay na halal na alkalde sa Aliaga, Nueva Ecija si Reynaldo M. Ordanes matapos iutos ng Cabanatuan City Regional Trial Court Branch 30 ang writ of execution sa kanyang pagwawagi sa halalan noong Mayo 13, 2013.
Sa panunumpa kay Judge Jose Paneda ng Komisyon ng Serbisyo Sibil, opisyal nang alkalde ng Aliaga si Ordanes matapos mapatunayan ng Cabanatuan RTC Branch 30 at Commission on Elections na siya ang nagwagi ng 11 boto laban kay Elizabeth R. Vargas.
Nagwagi sa protesta si Ordanes laban kay Vargas noong Mayo 28, 2014 pero nabalam ang proklamasyon matapos mag-isyu ng temporary restraining order (TRO) ang Comelec pero napaso ito matapos ang 60 araw kaya nag-isyu na ng Writ of Execution Pending Appeal si Judge Virgilio Caballero ng Cabanatuan City RTC Branch 30.
“Taimtim akong sumumpa na gagampanan ko nang buong husay at katapatan sa abot ng aking kakayahan ang tungkulin bilang alkalde ng Aliaga,” sabi ni Ordanes. “Nangako akong laging ipagtatanggol ang Saligang Batas ng ating bansa at umasa ng wastong pagbabago at kaunlaran ang aking mga kababayan.”
Iniutos ni Caballero kay Cabanatuan City RTC Branch 30 Sheriff Victoria Roque na magpatulong sa Nueva Ecija Provincial Director gayundin sa hepe ng Department of Interior and Local Government sa lalawigan na agad ipatupad ang writ of execution para sa maayos na pag-upo ni Ordanes bilang tunay na halal na alkalde ng Aliaga. (HNT)