MASAYA ang dating manlalaro ng La Salle Lady Spikers na si Abigail Marano sa pagkakataong makapaglaro siya sa Shakey’s V League.
Kinompirma kahapon ni Marano na lalaro siya para sa Meralco na kasali sa ikatlong komperensiya ng liga na magsisimula sa Setyembre 28 sa The Arena sa San Juan.
Makakasama ni Marano sa lineup ng Meralco sina Stephanie Mercado, Jen Reyes, Maureen Penetrante-Ouano at Maica Morada.
Isa ang Meralco sa anim na koponang kasali sa V League at makakasama nito ang Philippine Army, Cagayan Valley, PLDT Home Telpad, Philippine National Police at Philippine Air Force.
Magkakaroon ng import ang bawat koponang kasali.
Idinagdag ni Marano na matagal nang hindi naglalaro ang La Salle sa V League dahil kasabay ng iskedyul ng liga ang pag-aaral ng mga Lady Spikers dulot ng pagiging trimester ang edukasyon sa nasabing pamantasan.
Bukod sa kanyang paglalaro sa Meralco, nagtatrabaho rin si Marano sa kompanya bilang associate sa Corporate Communications Department sa ilalim ng spokesman nitong si Joe Zaldarriaga.
“I started working for Meralco last July pa after I graduated from La Salle. Nag-training din ako for ABS-CBN Sports for their UAAP coverage,” ani Marano. “Wala pa kaming imports kasi hindi pa sila dumarating but we are training right now. Kaya kong i-balance ang training ko at ang trabaho ko especially na it is a stable job. But I’m still hoping to play for the national team. I’ve been training and I hope to make the top 25.” Bukod sa volleyball, aktibo rin ang Meralco sa pagsuporta ng ibang mga palaro tulad ng Meralco Bolts ng PBA at ang Loyola Meralco Sparks ng United Football League.
ni James Ty III