GAGAWIN ngayon ng Philippine Basketball Association ang ocular inspection ng bagong Philippine Arena na matatagpuan sa Bocaue, Bulacan.
Pangungunahan nina Komisyuner Chito Salud at Tserman Patrick Gregorio ang nasabing inspeksyon ng bagong arena na kayang punuan ng mahigit na 55,000 na katao.
Kung okey ang sahig at goals ng Philippine Arena, balak ng PBA na gawin doon ang dalawang laro para sa pagbubukas ng ika-40 season ng liga sa Oktubre 19.
Lalaro ang dalawang baguhang Kia Sorento at Blackwater Sports sa unang sagupaan at sa ikalawang sultada naman ay magbabanggaan ang Talk n Text at Barangay Ginebra San Miguel. Kompiyansang sinabi ni Gregorio na kaya ng liga na maitala ng bagong attendance record dahil sa sobrang laki ng Philippine Arena.
Noong nagbukas ang PBA noong Nobyembre 2013 ay halos 30,000 ang nanood nang sabay-sabay sa Smart Araneta Coliseum, Cebu City at Davao City. (James Ty III)