MAPABILANG sa Top Eight sa 12 koponang kalahok sa 40th season ng Philippine Basketball Association na magbubukas sa Oktubre 1.
Iyan ang target ng expansion team Blakcwater Elite.
Ito’y sa kabila ng pangyayaring walang mga star players ang koponan at pawang mga manlalarong inilaglag ng ibang mga koponan kabilang na ang apat na rookies ang komposisyon ng Elite.
“Tingin ko naman ay realistic iyon kasi gutom ang mga players ko,” ani head coach Leo Isaac nang ipakilala sa media ang koponan kamakailan.
Hindi naman bago si Isaac sa PBA. Bukod sa naglaro siya sa Ginebra ay naging coach din siya ng Barako Bull apat na taon na ang nakalilipas.
Hindi rin bago ang Blackwater Sports sa basketball dahil ang kampeon ito sa PBA D-League at naging bahagi ito ng PBL noong kilala ito bilang Blu Detergent.
“This is a team of players who are given a second chance to prove that they belong in the PBA. I’m sure my players will not waste the chance given to them,”dagdag niya.
Nang tanggapin bilang expansion franchise, ang Blackwater at ang Kia ay nagsimulang buuin ang kanilang koponan sa pamamagitan ng expansion draft kung saan namili sila ng mga manlalarong inilaglag ng mother ballclubs.. Lumahok din sila kapwa sa 2014 PBA Rookie Draft noong Agosto 23.
Matapos na kilatisin ang mga manlalarong nakuha nila sa expansion at rookies Drafts ay binuo na ni isaac ang kanyang koponang kinabibilangan ng 18 manlalaro. Babawasan pa ang bilang na ito sa 15 sa pagsisimula ng season.
“Pero lahat ng 18 players na ito ay magiging part ng team or ng company. We’re treating the team as one big family the way that the company treats its employees,” ani Isaac patungkol sa prinsipyo ng team owner na si Dioceldo Sy.
Ang Blackwater Elite ay binubuo nina JR Cawaling, Paul Artadi, Eddie Laure, Narciso Llagas, Bambam Gamalinda, Bryan Faundo, Gilbert Bulawan, Bacon Austria, Rogemar Menor, Chris Timberlake, Robby Celiz, Alex Nuyles, Sunday Salvacion, Jason Ballesteros at rookies JP Erram, Juami Tiiongson, Frank Golla at Brian Heruela.,.
“Walang superstars dito pero sigrado ako na lahat sila ay hard-workers,” ani Isaac.
Magsisilbing assistants ni Isaac sina Rodel Sablan, Patrick Aquino, Junjie Ablan and Aries Dimaunahan. Ang team manager ay si Johnson Martinez.
Sabrina Pascua