KAHIT na muling nabigo ang Mapua Cardinals na makarating sa Final Four ng 90th National Collegiate Athletic Association (NCAA) ay may dahilan pa rin ang mga estudyante, manlalaro at supporters ng Cardinals na magbunyi at maging optimistiko para sa kanilang koponan.
Una’y nahigitan na ng Cardinals ang bilang ng mga panalong naitala nila noong nakaraang taon.
Naitala ng Cardinals ang kanilang ikaapat na panalo sa 14 games sa kasalukuyang season nang tambakan nila ang Perpetual Help Altas, 91-81 noong Miyerkoles.
Hindi basta-basta kalaban ang Altas dahil sa contender ito para sa Final Four.
Baka nga pagsisihan ng Altas ang pagkatalo nila sa Cardinals kung sakaling hindi sila makarating sa Final Four sa pagtatapos ng elimination round.
Ikalawa’y nagkaroon na ng winning streak ang Cardinals. Para sa ikatlong sunod nilang panalo ang tagumpay kontra Perpetual Help.
Nagsimula ang streak nang makaulit sila kontra sa San Sebastian Stags, 75-73 noong Agosto 29.
Kung inaakala ng ilan na ang San Sebastian lang ang puwedeng biktimahin ng Mapua, aba’y nagkamali sila.
Kasi nanalo din ang Cardinals kontra sa Lyceum Pirates, 76-65 boong Setyembre 5. At nagwagi nga sila kontra sa Altas.
May apat na games pa ang natitira sa Cardinals at kahit na ipanalo nila ang mga iyon ay hindi na sila aabot sa Final Four,
Ang maganda lang diyan ay siguradong tatapusin nila ang kanilang kampanya sa 90th season nang nakangiti at mataas ang morale.
At pagpasok sa 91st season, aba’y tiyak na palaban na sila nang husto lalo’t makapaglalaro na ang isang 6-8 Nigerian player na nakakumpleto na ng residence sa eskuwelahan.
Magwawakas ang three-year contract ni coach Atoy Co nang maaliwalas dahil baka umabot na sila sa Final Four. At kapag nagkaganoon, tiyak na mae-extend ang kanyang kontrata!
Sabrina Pascua