HINIMOK ni dating Manila Rep. Benny Abante ngayon ang kanyang mga dating kasamahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na mariing tutulan ang hakbang ng administrasyon upang bigyan ng bagong depinisyon ang “savings” sa pambansang budget dahil tuluyan nang isusuko ng Kongreso ang “power of the purse” sa Sangay Ehekutibo kung papayagan nilang isagawa ito.
Reaksyon ito ni Abante sa panukala ng administrasyon na bigyan ng bagong depinisyon ang “savings” sa panukalang budget sa taon 2015 na magsasabing ito ang bahagi ng alokasyon na “hindi pa naire-release o naipapamahagi” dahil sa “pagtigil o pagtalikod sa pagpapatupad ng isang programa, gawain o proyekto sa makatwirang kadahilanan, sa kahit anong panahon ng pagpapatupad o sa loob ng bisa ng aproprasyon.”
Ang depinisyon ng “savings” sa General Appropriations Acts mula 2011 hanggang 2013 ay nagsasabing ito ang mga pondong nananatiling “available” matapos ang pagpapatupad o matapos ang pinal na pagtigil ng gawain o matapos ang pagtalikod sa paggawa, gawain o sa layon ng pinaglaanan ng pondo.
Ayon kay Abante, bibigyan ng bagong depinisyon ng “savings” ang “Pangulo o si Budget Secretary Butch Abad nang buong kapangyarihan o diskresyon na itigil ang ano mang proyekto matapos aprubahan ng Kongreso ang budget para rito.
Bibigyan din nito ang mga nasabing opisyal ng kapangyarihan na ilipat ang mga pondong inilaan papunta sa kung saan nila ninanais igugol.
“Ano ang justifiable causes o makatwirang kadahilanan?” tanong ni Abante, dating Vice Chairman ng House Appropriations Committee.
“Ito ba ay kung binabatikos ng isang kalaban sa politika ang administrasyon sa mga gawain nito? Ito ba ay kung ang isang lokal na opisyal ay mananawagan laban sa kawalan ng aksyon ng gobyerno? Napakadali nitong abusuhin ng sino mang nakaupo!”
Nagbabala rin si Abante na ang pagsasabatas ng nasabing probisyon sa panukala “ay gagamitin lamang ng administrasyon upang pilayan ang mga kalaban sa politika at upang palakasin pa lalo ang mga kaalyado.”
“Alalahanin natin na ang budget para sa 2015, ay kritikal para sa mga umaambisyong mahalal sa 2016. Sa pamamagitan ng probisyong ito, madaling maililipat ng administrasyon ang mga pondo papunta sa balwarte ng mga kaalyado. Magiging mas madali sa kanila ang pagsakal sa mga pondong inilaan para sa mga balwarte ng oposisyon,” paliwanag ni Abante, Chairman ng Bayan Mamamayan Abante Movement.
Ang mga paniniguro umano ng administrasyon na hindi gagamitin ang budget sa politika ay hindi sapat sa gitna na “kawalan ng pag-aalanganin sa paggamit nito upang pahinain ang kapangyarihan ng mga kalaban sa politika.”
Nitong linggo, sinabi ng dating mambabatas na “nagsimula na ang administrasyon sa panggigipit sa mga karibal sa politika at unang-una na riyan si Vice President Jejomar Binay at ang pagtapyas sa budget ng tanggapan niya sa kabila ng kaliwa’t kanang responsibilidad na nakaatang dito.”
Tinapyasan ng P9-M ang budget ng Office of the Vice President para sa taon 2015 na naging P222 milyon na lamang mula sa orihinal na 231 milyon piso na hiningi nito para sa susunod na taon.
HATAW News Team