MARIING sinabi ni Senadora Grace na lubhang malaking perhuwisyo sa mga mamamayan ang serbisyong ipinagkakaloob ng pamumuan ng MRT 3.
Nabatid sa pagdinig ng Senate Sub-Committee on Transportation na pinamumunuan ni Poe, lumalabas na hindi lamang pala ang serbisyo ang perhuwisyo kundi ang mismong maintenance ng mga bagon.
Ipinagtataka ni Poe na sa kabila na walang sapat na kakakayahan ang APT Global, ang service provider ng MRT 3, ay nagawang makuha nito ang serbisyo.
Nais matukoy ni Poe kung talagang legal ang naging proseso ng bidding sa maintenance services ng MRT 3.
Sakaling hindi aniya ito legal at may anomalya ay dapat magbayad ang mga taong nasa likod nito dahil ang lubhang apektado at napeperhuwisyo ay ang commuters na araw-araw sumasakay rito.
Nais ni Poe na pag-aralang mabuti ng pamunuan ng MRT ang mga suhestiyon na paglalagay ng waiting sheds sa waiting area para sa nakapilang mga tao.
Kabilang din sa suhestiyon ang pagkakaroon ng alternative bus na magsisilbing shuttle services sa sandaling magkaaberya ang mga tren.
(NIÑO ACLAN)