MULING nagbabala ang Palasyo sa overseas Filipino workers (OFWs) laban sa pagpupuslit ng illegal na droga sa ibang bansa.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, hindi nagkulang ang pamahalaan sa paalala sa mga Filipino na nagtatrabaho sa ibang bansa na mag-ingat sa mga modus operandi ng mga drug syndicate.
Ito’y makaraan mahatulan ng kamatayan ang dalawang Filipino na sina Emmanuel Sillo Camacho at Donna Buenagua Mazon sa Vietnam dahil sa pagpuslit ng droga.
Habang posibleng death penalty rin ang kahaharapin ng isang Filipina drug courier na nahulihan ng tatlong kilo ng shabu sa Kuala Lumpur International Airport.
Itinago ng nasabing Filipina ang dalang shabu sa kanyang mga bagahe kapalit ng halos P70,000 para dalhin ang droga sa Malaysia.
Ayon kay Valte, patuloy ang panawagan ng gobyerno sa mga OFWs na sila ay mag-ingat.