Saturday , November 23 2024

Ebidensiya pa vs tongpats sa Makati (Overpricing hindi bababa sa P1.9-B)

081914_FRONT081914 ombudsman makati binayIPINAKIKITA sa media nina Nicolas Enciso ng United Makati Against Corruption (UMAC), at Mr. Renato Bondal ang ihahain nilang bagong ebidensiya kaugnay sa reklamong overpricing na P1.9- billion parking building laban kay Vice President Jejomar Binay at 23 opisyal ng Makati City, sa tanggapan ng Ombudsman sa Agham Road, Quezon City. (RAMON ESTABAYA)

NAGHAIN ngayon ng ‘pinalakas’ na reklamo ang dalawang residente ng Makati sa Ombudsman laban kay Vice President Jejomar Binay at 23 iba pang opisyales matapos lumutang ang mga bagong ebidensya na nagpapatunay na aabot sa P1.9-bilyon hanggang P2.455-bilyon ang overpricing sa pagpapatayo ng Makati City Hall Parking Building.

“Hindi pala P1.2-bilyon o P1.6-bilyon lamang ang tongpats sa kasong plunder na ito. Batay sa bagong ebidensya na inilabas ng COA, hindi bababa sa P1.9-bilyon ang tongpats sa pagpapagawa ng Makati City Hall Building,” sabi ni Atty. Renato Bondal.

Kasama ni Bondal ang kapwa complainant na si Nicolas “Ching” Enciso nang ihain nila sa Ombudsman ang siyam na pahinang suplemento sa kanilang orihinal na plunder complaint laban kay VP Jejomar Binay, Mayor Erwin Jejomar S. Binay, Jr., COA Auditor Cecilia Caga-anan at 21 konsehal ng Makati.

Ayon kay Bondal, inamin ni Caga-anan sa kanyang report kay Director Carmelita O. Antasuda ng COA Local Government Sector (National Capital Region) na umabot sa P2,711,566,502.50 ang kabuuang budget para sa pagpapatayo ng kontrobersyal na parking building.

Inilaan ang nasabing budget sa 10 ordinansa na inaprubahan ng Makati City Council mula 2007 hanggang 2013 sa pamumuno ni VP Binay at Mayor Junjun Binay.

Lumutang lamang ang nasabing report ni Caga-anan kay Director Antasuda matapos maihain nina Bondal at Enciso ang reklamong plunder laban kay VP Binay at iba pang opisyales ng Makati.

“Unti-unti nang naglalabasan ang mga dokumentong magdidiin kay VP Binay at iba pang akusado. Umaasa kami na may whistleblowers pang lalabas para magbigay ng dagdag na ebidensya kaugnay ng nasabing kaso,” ani Bondal.

Batay sa dokumentong inilabas ni Caga-anan, aabot sa P2,455,727,438.50 ang overpricing sa Makati City Hall Parking Building kompara sa average price na P8,013 bawat metro kuwadrado noong 2007.

Aabot naman ang overpricing sa P2,407,388,446.50 kung ikokompara sa official average construction cost na P9,527 bawat metro kuwadrado noong 2012.

Pinakamababa nang halaga ng tongpats ang P1,913,366,502.50 kung ikokompara sa average construction cost na P25,000 bawat metro kuwadrado ngayon taon.

“Kahit na anong taon mo ikompara, lalabas na lolobo ang tongpats mula P1,913,366,502.50 hanggang P2,455,727,438.50,” diin ni Bondal.

Sa report ni Caga-anan, naglaan ang Makati City ng kabuuang P2.71-bilyong pondo para sa pagpapagawa ng City Hall Parking Building mula pa noong Mayor si VP Binay noong 2007 hanggang sa termino ng kanyang anak .

Pinondohan ang building sa pamamagitan ng mga sumusunod na ordinansa: Ordinance No. 2007-A-015 (P400 million); Ordinance No. 2008-035 (P500 million); Ordinance No. 2010-A-005 (P600 million); Ordinance No. 2011-037 (P30 million); Ordinance No. 2011-016 (P650 million);  Ordinance No. 2011-038 (P400 million); Ordinance No. 2013-016 (1.56 million).

Ipinaliwanag ni Bondal na kung P2,711,566,502.50 ang ipinondo ng Makati City Hall para sa 31,928 metro kuwadrado na kabuuang sukat ng Parking Building, lalabas na P84,927 ang presyo bawat metro kuwadrado ng kontrobersyal na gusali.

“Kahit na ang pinakamahal, pinakabago at pinakamodernong gusali sa Makati ay hindi aabot ng P50,000 bawat metro kuwadrado,” ani Bondal.

“Lumalabas na ito na ang pinakamahal na gusali hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo,” dagdag ng abogado.

Nagtataka sina Bondal kung bakit nakapasa ang nasabing kontrata kay Caga-anan, ang COA Auditor ng Makati nang panahon na iyon, gayong nilabag nito ang napakaraming batas sa pagpapagawa ng pampublikong impraestruktura.

“Kailangan magpaliwanag si Caga-aanan sa Ombudsman kung bakit nakalusot sa kanila ang nasabing proyekto. Ito ang dahilan kung bakit isinama namin siya sa mga sinampahan ng plunder,” paliwanag ni Bondal.

Iginiit ni Bondal na mismong ang National Statistics Office ang nagsabi na ang presyo lamang ng pagpapagawa ng gusali noong 2007 ay P8,013 bawat metro kuwadrado.

“Sa ganitong komputasyon ng NSO, lumalabas na P255,839,064 lamang ang dapat na pondong nagamit para ipatayo ang Makati City Hall Parking Hall kung tinapos ito noong 2007,” dagdag niya.

Dahil sa anomalya sa pagpapalusot sa proyekto, idinagdag nina Bondal at Enciso sa listahan ng mga akusado ang mga miyembro ng Makati City Audit Groups at COA-Technical Audit Specialist mula taon 2008 hanggang 2013.

“Maliwanag sa kasong ito na nagkutsabahan ang mga akusado para patungan ang presyo ng Makati City Hall Parking Building nang mahigit sa P50 milyon kaya dapat lamang na parusahan sila sa paglabag ng krimeng plunder o pandarambong,” ani Bondal.

HATAW News Team

About hataw tabloid

Check Also

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

The Department of Science and Technology (DOST), in collaboration with Western Mindanao State University (WMSU), …

MOHS Remed Pharmaceuticals

MOHS acquires major pharma company

In pursuit of its strategy of vertical integration of its flagship healthcare and wellness business, …

First Lady Liza Marcos nagbigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo

First Lady Liza Marcos nagbigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo

PINANGUNAHAN ni First Lady Marie Louise “Liza” Araneta Marcos ang distribution ng ayuda sa daan-daang …

Benhur Abalos Jr Senate

Benhur Abalos, top 9 ng Tangere Survey para  sa 2025 senatorial race

KUNG gagawin ngayonang eleksiyon, pasok sa ika-9 na puwesto si Atty. Benjamin “Benhur” Abalos, Jr., …

arrest, posas, fingerprints

Sa Bataan
P1.7-M DROGA NASAMSAM, 2 TULAK TIKLO

DALAWANG suspek na itinuturing na high value individuals ang nasakote sa magkahiwalay na buybust operations …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *