NASABAT ng Bureau of Customs NAIA at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pakikipagtulungan ng LBC Express ang 500 gramo ng methamphetamine hydrochloride (shabu) na nakaipit sa limang pares ng sapatos na nakatakdang ipadala sa Isabela, Basilan. (EDWIN ALCALA)
UMABOT sa 500 gramo ng methamphetamine hydrochloride, kilala bilang shabu, ang nasabat sa LBC Express warehouse na matatagpuan sa Manila Domestic Road sa Pasay City kahapon.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent Ace delas Alas, ang droga na tinatayang may street value na P2.5 milyon ay nabatid na naka-consign sa isang Itti Isnaen ng Basilan.
Ito umano ay ipinadala ng isang nagngangalang Helda Isnaen ng Luzon Avenue, Quezon City.
Nabatid kay delas Alas, ang droga ay natagpuan sa loob ng limang shoeboxes na may lamang limang pares ng sandals nina LBC exchange staff Lawrence Lanipa at mga kasamahan nito.
Aniya, gumamit din ang PDEA ng drug-sniffer dog nang buksan ang shoeboxes para sa eksaminasyon.
Makaraang sumailalim sa masinsinang pagsusuri na ginawa ng PDEA personnel at Bureau of Customs Anti-Illegal Drugs and Controlled Chemicals head Sherwin Andrade, nagpositibo ito sa methamphetamine.
Samantala, nagbabala si Bureau of Customs (BoC) District III Collector Edgar Macabeo sa lahat ng balak magpadala ng ilegal na bagay sa pamamagitan ng parsela, na lahat ng ipinapasok na packages sa mga warehouse na matatagpuan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay mahigpit na sinisiyasat upang hindi sila mapalusutan. (JERRY YAP)