Sunday , December 22 2024

Atty. Sigfrid Fortun bumitaw na sa Ampatuan?

00 Bulabugin JSY
ILAN sa mga abogadong kinabibiliban natin ang mag-utol na Fortun — sina attorneys Philip Sigfrid Fortun at Raymund Fortun.

Bilib tayo dahil sa ‘guts’ nila. Sila ‘yung mga taong ang tipikal na motto ay “no guts, no glory.”

Naalala natin sa kanila ang kagaya ni Atty. Juan T. David.

Isa siya sa mga abogadong tinawag na ‘taga sa panahon.’

Si Atty. Juan T. David kasi ang nilalapitan noong araw kapag walang mga abogadong gustong humawak sa kaso ng mga inaasunto. (Ilan dito ang kaso ni Jose Maria Sison – subversion at bago siya mamatay, ang pagkakaalam natin, siya ang may hawak ng kaso ni Madam Imelda Marcos).

Ganyan ngayon ang imahe ng mag-utol na Fortun.

Hinahawakan nila ang mga kontrobersiyal na kaso, at sa tingin natin ay hindi dahil sa pera, kundi for professional growth.

Gaya ng nakatatandang si Atty. Philip Sigfrid Fortun, sa panahon na walang gustong mag-abogado sa angkan ng mga Ampatuan — na sangkot sa Ampatuan massacre.

Hindi siguro malilimutan ni Atty. Sigfrid ang mga upak, lait at banat na inabot siya sa media nang piliin niyang ipagtanggol ang mga Ampatuan.

Pero nanindigan pa rin siya at itinuloy ang paghawak ng kaso ng mga Ampatuan.

Pero kamakailan lang, nakausap natin mismo si Atty. Sigfrid.

Inilinaw at kinompirma niya sa atin na binitiwan na niya ang kliyenteng si dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Zaldy Ampatuan.

Mga abogado sa Cotabato ang pumalit sa kanya.

Ang hinahawakan na lang umano niya, ang mag-amang dating Maguindanao governor Andal Ampatuan, Sr., at si Datu Unsay Mayor Andal, Jr.

Habang nag-uusap kami ni Atty. Sigfrid ‘e mukhang exasperated siya.

Sa takbo raw ng hearing sa kaso ng mga Ampatuan, mukhang eventually ‘e baka mag-pullout na rin siya sa nasabing kaso.

Anyway, hindi na rin naman sila masisi, isinalang din ng mga Fortun ang kailang imahe at reputasyon sa kontrobersiyal na kasong ito.

Sa panahon nga naman na walang tumatanggap sa kaso ng mga Ampatuan ‘e siya ang nagkaroon ng kakaibang lakas ng loob pero mukhang ‘it’s not worth it.’

Kung ano man ang tunay na dahilan ng pagkalas ni Atty. Sigfrid sa kaso ng isang Ampatuan ‘e sila na lang ang nakaaalam n’yan.

At inirerespeto naman natin ang pakiusap ni Atty. Sigdrid na personal na lang nya ang dahilan ng pagkalas nya sa kaso ng Ampatuan.

Ang tanong: nakita at nabasa na ba ni Atty. Sigfrid na walang kapana-panalo ang kanyang kliyente na sangkot sa Maguindanao massacre?

‘Yan po ang aabangan natin.

‘VIP TREATMENT FOR SALE’ SA BILIBID TULOY-TULOY PA RIN?!

ANG mga convicted criminals ba ay may karapatang magpa-doktor o magpa-ospital sa labas ng National Bilibid Prison (NBP) nang walang kaukulang permiso mula sa Korte?!

Itinatanong po natin ito, matapos maipaabot sa atin ng mga mapagkakatiwalaang impormante na patuloy na nakatatanggap ng VIP treatment ang mga convicted criminals lalo na ‘yung nasa Maximum Security Compound.

Ang ibig pong sabihin ng Maximum Security Compound (MSC) ‘e ‘yung delikado o high risk prisoners.

Ilan po d’yan ang kagaya ni Ricardo Camata a.k.a Chacha, convicted drug lord, commander ng Sigue-Sigue Sputnik Gang na pinayagang magpa-ospital sa Metropolitan Hospital sa Tondo, Maynila.

Nitong Mayo 14 naman, inilabas ang isa pang convicted drug lord na si Amin Buratong, sa MSC, para dalhin sa Medical City sa Pasig para ipa-check-up daw ang coronary artery disease at fatty liver. Tumagal nang isang linggo ang medical check-up ni Buratong sa nasabing ospital.

Nito naman nakaraang Mayo 27, isinugod sa Asian Hospital Medical Center sa Filinvest, Alabang, Muntinlupa City si Herbert Colango alyas Ampang dahil sa urinary tract infection (UTI).

Wala naman sigurong masama kung tugunan man ang pangangailangang-medikal ng convicted drug lords, kasama pa rin naman ‘yan sa human rights nila.

Ang kwestiyon lang natin, sila ba ang dapat magdesisyon kung saang ospital sila dadalhin?!

‘E may binubuno nga silang sentensiya dahil sa malalang paglabag sa batas ‘di ba?

BuCor Director FRANKLIN BUCAYU, bakit ang mga high risk criminals ang nasusunod kung saang ospital sila dapat dalhin!? ‘E planado nap ala ang pagtakas ng mga ‘yan?

Kung mayroon man silang pambayad sa ospital. Aba ‘e doon sila i-confine sa ospital ng gobyerno at ipasok sa PAYWARD para pagkitaan naman sila ng pamahalaan.

O kaya doon sila ipasok sa military o PNP hospital, nang sa gayon ay nababantayan ang mga kilos nila!

Masyado naman yatang namimihasa at napakaimportante ang mga ‘kriminal’ na ‘yan sa administrasyon mo Director Bucayu!?

Ang kaso ni Janet Lim Napoles, bagama’t tutol tayo sa pagdadala sa kanya sa isang komportableng ospital, ay kauna-unawa pa rin dahil hindi pa naman siya convicted.

‘E ‘yung mga nauna natin binanggit, mga convicted drug lord ‘yan na maraming sinirang buhay at pamilya, tapos bibigyan ng ganyang privilege?!

Sonabagan!!!

Ano na ba talaga ang nangyayari sa justice system natin?!

Secretary Leila De Lima, Madam, umaalagwa na naman ang Bureau of Corrections (BuCor), hihintayin mo na naman ba ang malaking eskandalo bago ka umaksiyon?!

Ay sus!

MGA MANDURUGAS NA DRIVER SA NAIA NALAMBAT

KAMAKAILAN ay naglunsad ang mga miyembro ng Land Transportation Office (LTO) ng operasyon sa NAIA laban sa mga mandara-yang taxi drivers na bumiyahe sa nabanggit na international terminal passengers.

Ang resulta: nakabitag ang mga awtoridad ng labing isang (11) taxi drivers na dinaraya ang kanilang mga pasahero sa international at domestic terminals ng NAIA.

Naaktohan pa ng LTO team na kinokontrata ng taxi drivers ang pasahero habang ang ilan naman ay humihirit ng dagdag na bayad sa kanilang metro.

May isang driver na huling-huli sa akto na sinisingil ang pasahero ng P1,700 dahil sira raw ang metro n’ya.

Karamihan sa taxi drivers na nasakote ay hindi miyembro ng accredited transport services ng airport,

Matagal na natin binabatikos ang ganitong raket ng taxi drivers sa NAIA. May mga info pa nga tayo na may ilang PNP at APD personnel ang tongpats sa mga tulisang taxi driver.

Sana ay hindi ningas-cogon na naman ang operation ng LTO sa airport. Paulit-ulit na lang kasi ang problemang gaya nito sa NAIA.

Bakit hindi pa kasi maglagay ng isang LTO complaint and action desk sa NAIA para mabigyan proteksyon ang mga pasahero sa airport.

Pwede ba LTO Chairman Asec. Alfonso Tan!?

 

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *