UMABOT sa P25 milyon halaga ng shabu ang nasamsam sa isang buy bust operation ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) laban sa dalawang Chinese national na sinabing bigtime drug trafficker kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni Insp. Roberto Razon, QCPD District Anti-Illegal Drugs (DAID) chief, kay Supt. Richard Albano, QCPD Director, kinilala ang mga nadakip na sina Benedict Ong, 38, tubong Hung Nam, China, naninirahan sa 170 Soler St., Sta Cruz, Maynila; at Benson Lao, 51, tubong Hung Nam, China, residente ng Brgy. Poblacion Guiguinto, Bulacan.
Ayon kay Albano, isang linggong minanmanan ng mga operatiba sa DAID ang dalawa at nang magpositibo ang impormasyon agad ikinasa ang operasyon.
Sa ulat, isang pulis na nagpanggap na buyer ang nakipagtransaskyon sa mga suspek at napagkasunduang idedeliber ang shabu na nagkakahalaga ng P1.5 milyon sa Regalado Ave., Brgy. North Fairview.
Sa ulat, dumating ang dalawang suspek lulan ng silver Toyota Vios (ZCT-167) nitong Linggo, at nang mag-aabutan na ang dalawang partido agad silang dinamba ng mga operatiba 11:55 p.m.
Nang siyasatin ang dalang sasakyan ng dalawa, narekober sa loob ang limang kilong habu na may street value na P25 milyon.
Sasampahan ng paglabag sa sect. 12 at 15, Article 2 ng Republic Act 9165 ang mga suspek.
nina ALMAR DANGUILAN/JETHRO SINOCRUZ)