SAYANG ang barong at ang podium na ginagamit ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio “Sonny” Coloma, Jr.
Hindi na siya nagiging kagalang-galang dahil sa insensitive na pagtugon niya sa tinututulang tuition fee hike.
Hindi natin inaasahan na ang isasagot ni Secretary Kolokoy este Coloma sa mga dumaraing laban sa sumisirit na tuition fee hike ‘e ‘yung, “Kung wala kayong pera ‘e di sa state universities (public) kayo mag-aral.”
Hindi natin minamaliit ang kalidad ng ating mga state university.
(By the way, napapansin ko lang na halos 60 percent ng estudyante sa UP Diliman ay galing naman sa well-to-do families?)
Humahanga pa nga tayo sa mga batang nakapapasok d’yan kahit sa city or provincial state colleges or universities dahil hindi biro ang dinaraanan nilang mga pagsusulit at pagko-comply sa requirements.
Hindi lang natin nagustuhan ang sagot ni Secretary Kolokoy este Coloma dahil hindi man lang niya naisip na paano ‘yung mga batang hindi nakapapasa sa mga entrance exam ng state universities at iginagapang sa pag-aaral ng mga magulang sa mga kolehiyo at unibersidad na napakataas nga ng tuition fee.
Hindi po ganyang sagot ang gustong marinig ng mga kababayan natin na nagsisikap magpalaki at magpaaral ng mga anak para maging produktibong mamamayan ng ating bansa.
Masyadong maikli ang memorya ni Secretary Kolokoy este Coloma … nalimutan mo na ba agad ang pagpapakamatay ni Kristel Tejada?
Ang UP student na nabigong punan ang kanyang mga documentary requirements at hindi nakapag-enrol sa UP kaya nagpakamatay na lang?!
Isang batang nangarap hindi lamang para sa sarili niya at sa pamilya kundi para sa bansa pero binigo ng mga burakratikong rekesitos?
Ang nakapagtataka pa, mukhang deadma lang ang mga taga-Palasyo sa sagot ninyo, Secretary Kolokoy.
Isang tahasang paglapastangan ‘yang sagot ninyo Secretary Coloma sa mga magulang at anak na nagsisikap para umangat mula sa kanilang kinalalagyan.
Gusto nga ninyong taasan ang sweldo ng mga guro pero ang idadagdag ninyo ay manggagaling din sa pinayagan ninyong pagtataas ng TUITION FEE.
‘Yung mga guro ba na tataasan ninyo ng sweldo ay hindi maapektohan ng pagtataas ng tuition fee?
Wala bang anak na pinag-aaral ang mga gurong gusto ninyong itaas ang sweldo pero galing din sa lukbutan nila ang idadagdag ninyo?!
Masarap lang pakinggan, pero kalokohan lang ‘yun ‘di ba, Secretary Kolokoy y Coloma?
Parang ginisa lang ninyo sila sa sariling mantika.
Tsk tsk tsk …
JUETENG MONEY GAGAMITIN SA 2016 ELECTIONS
(GAB-AIGU NGANGA!?)
Ngayon pa lang ay nangangamba na si Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na baka magmula sa drug at jueteng money ang itutustos ng ilang kandidato sa darating na pampanguluhang halalan sa 2016.
Kasama sa pangamba ni Bishop Cruz ay ang tila pagbubulag-bulagan ng ilang malalapit na tauhan ni Pangulong Noynoy Aquino hinggil sa usaping ito.
Nagtataka si Bishop Cruz kung bakit tila wala pa rin ginagawang aksyon ang Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at ang Presidential Anti-Gambling Task Force na direktang nasa superbisyon ng GAMES AND AMUSEMENT BOARD (GAB) sa talamak na operasyon ng jueteng at iba pang uri ng sugal sa buong bansa.
Ang GAB po ay nasa ilalim ng Office of the President ngunit kay Executive Secretary Jojo Ochoa direktang nagre-report umano ang GAB Chairman at ang hepe ng Anti-Illegal Gambling Task Force.
Hindi lamang si Bishop Cruz ang nagtataka sa patuloy na pamamayagpag ng TENGWE kundi ang taong bayan na rin.
Hindi ba talaga napapansin ni DILG Secretary Mar Roxas ang talamak na Jueteng sa ating bansa? Kamakailan ay inupakan na natin ang GAB at Presidential Anti-Illegal Gambling Task Force sa isyu ng jueteng. Sinikap rin natin makuha ang panig ni GAB Chairman Juan Ramon Guanzon at Anti Illegal Gambling Unit (AIGU) chief, Atty. ERMAR BENITEZ ngunit tila umiiwas sila.
Ayon sa ating source, busy daw si Chairman Guanzon sa on-going seminar ng GAB sa Hyatt Hotel and Casino. Naging curious lang naman tayo nang mabatid natin mula sa ating mga sources na tatlo pala sa miyembro ng SIGMA RHO Fraternity ang nagkataong nasa inner circle ng anti-gambling task force sa ilalim ng PNoy administration.
Sila ay sina Atty. Benitez na hepe ng AIGU at hepe rin ng legal department ng GAB; Atty. Aquil Tamano na Commissioner naman ng GAB at Senator Sonny Angara na chairman naman ng Senate Committee on Games and Amusement.
Sa tatlong miyembro ng SIGMA RHO, nagtataka tayo na kahit isa sa kanila ay hindi natin nakitaan ng hangaring puksain ang jueteng sa kabila ng kanilang kakayahang pangunahan ang isang honest-to-goodness drive laban sa talamak na illegal numbers game.
Si SILG Mar Roxas, never rin natin naringgan o nabalitaan na dudurugin ang Jueteng.
May punto si Bishop Cruz, hindi po ba?
LOTTENG AT BOOKIES TANDEM NINA PERRY & ANNA TULOY ANG LIGAYA SA MAYNILA
KAYA naman pala hindi matigil-tigil ang lotteng at bookies sa Sta. Cruz at Tondo area sa kabila ng mahigpit na utos ni Yorme Erap ‘e naririyan pa rin ang operasyon ng dating tauhan ni Apeng Sy na sina Perry & Anna.
Kung dati ay utusan o pinagkakatiwalaan lang sila ni Apeng, ngayon ay sila na mismo ang in-charge sa nasabing bookies at lotteng operations.
Ayon sa ating mga reliable source, ang bulto ng operations nina Perry & Anna ay matatagpuan sa area of responsibilities ng Manila Police District (MPD) 1 (Tondo), PS 3 (Sta. Cruz) at PS 7 (Abad Santos & Sta. Cruz).
Tatlong police stations po ang responsable sa area na ‘yan.
MPD Director, Gen. Rolando Asuncion, Sir, pakisudsod nga ninyo ‘yang tatlong police stations ninyo na pinamamayagpagan ng operation nina Anna & Perry!
Mukhang napapalusutan na naman kayo!?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com