GINAGAWANG installment basis o hurnalan ni PNoy ang pag-eendorso ng kanyang mamanuking kandidato sa 2016 presidential polls, kaya ang unang salvo nito’y ginawa niya sa anyo ng pakiusap at hindi muna niya tinukoy kung sino ito.
Sa kanyang Labor Day message, nakiusap siya sa publiko na kung naniniwalang tama ang kanyang ginagawa, kung ayaw natin masayang ang mga nakamit ng kanyang “tuwid na daan” at maging permanente ang mga reporma, ay piliin ang kandidato na magpapatuloy nito.
Hindi ba’t ‘yun nga ang ginawa natin kaya nga ibinoto natin siya, sa pag-aakalang siya ay “lesser evil” bukod sa nahakot niyang simpatiya kasunod ng pagpanaw ng kanyang ina noong Agosto 2009, pero binigo naman niya ang mga Pilipino.
Ano ba ang naging mga kongkretong pruweba niya bilang Pangulo para magsabi sa atin kung sino ang dapat piliin sa susunod na eleksiyon?
Kung ang napipisil niyang maging kapalit niya sa Palasyo ay si Interior Secretary Mar Roxas, siguradong sising-alipin na naman si Juan dela Cruz kapag nagkamaling sundin siya dahil may mga pruweba na hindi siya magiging mahusay at matinong pinuno.
Tulad ni Vice President Jejomar Binay at ni PNoy, si Roxas ay isang trapo rin mula sa angkan ng political dynasty.
Ano naman ba ang mayroon kay Grace Poe para ibilang na posibleng manukin niya bukod sa naging anak siya ng yumaong si FPJ?
Paano siya makapagpapayo ng “choose wisely” sa mga botante kung siya mismo ay hindi siguradong matino ang kanyang ikakandidato at ginagawang basehan ang mga palsipikadong resulta na inimbento lang ng mga survey firm?
Ang mga survey ay negosyong pinagkakakitaan ng iilan na ‘di dapat paniwalaan o pagbasehan ng mamamayan sa pagboto kailanman.
LIM, DUTERTE AT PUNO
SA ngayon, sina Manila Mayor ALFREDO LIM at Mayor RODRIGO DUTERTE ng Davao City pa lang ang alam nating makapapasa kung TRACK RECORD ang barometro sa pagpili ng matinong pamumuno bilang mga public servant ang pag-uusapan.
Tulad rin nina Lim at Duterte, ang press freedom champion sa Supreme Court (SC) na si retired chief JUSTICE REYNATO PUNO rin ay may malaking magagawa para sa bansa at mamayan sakaling mapilitan siyang tumakbo, kahit man lang sana para sa Senado.
Kailangan pa sila ng ating bansa.
VILLAR-DUTERTE DAPAT SA 2016
NGAYON naman ang tamang oras para kay dating senate president at Senator MANNY VILLAR na tumakbo bilang pangulo kaysa naman hayaang tiisin na lang ng mamamamayan ang mamili sa mga nag-aambisyong pumalit kay PNoy sa Malakanyang.
Matindi ang kasalukuyang problema ng ating ekonomiya kaya’t kailangan natin ang mga dalubhasang ekonomista na gaya ni Villar.
Ang paglubha ng ekonomiya natin ay bunsod ng malubhang pagtaas ng kriminalidad sa bansa kaya marami ang naniniwalang magagampanan ni Duterte ang pagsugpo sa krimen na kanyang nagawa at napatunayan sa lungsod ng Davao.
Imposibleng bumuti ang ekonomiya kung tulad lang ni Roxas na bilang kalihim ng DILG ay walang silbi o napatunayan para lutasin ang paglubha ng peace and order upang mamuno sa bansa.
Kaya mas bagay sana kung Villar for president at Duterte for vice president, isang ekonomista at isang crime buster sa 2016.
PEKENG ANTI-GRAFT
CAMPAIGN NI PNOY
MAKALIPAS ang dalawa’t kalahating taon na hospital arrest, malaki ang tsansang makapagpiyansa si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo dahil walang maiharap na testigo laban sa kanya sa kasong plunder, ayon sa Sandiganbayan.
Mistulang teleserye pa ang ikinasang esksena ni Justice Secretary Leila de Lima nang pigilan na makalabas ng bansa si GMA at arestohin sa NAIA noong Nobyembre 2011, wala naman palang testigo ang gobyerno laban sa kanya.
Ibig sabihin, ginamit lang na ‘props’ si GMA sa anti-corruption campaign ng administrasyong Aquino, para lang ma-satisfy ang panawagan noon ng publiko na panagutin siya sa mga kasalanan sa bayan.
Marami tuloy ang nagdududa kung makukulong bago matapos ang termino ni PNoy sa 2016 ang mga sangkot sa P10-B pork barrel scam, kung ganyan din lang ang kalakaran ng kanyang kampanya kontra-korupsiyon.
Para sa reklamo, suhestiyon at komentaryo tumawag o mag text sa 09158227400 / Email: [email protected]
Percy Lapid