NALUNOD ang 12-anyos batang babae na honor pupil nang tangayin ng agos sa Labangan Channel makaraan ang graduation ceremony sa kanilang paaralan sa Bulacan.
Ang biktimang si Gianna Francesca Santos, 2nd honor pupil ng Pinagtulayan Elementary School sa Brgy. San Isidro II, Paombong, Bulacan, ay nalunod nang tangayin nang malakas na agos ng tubig ng Labangan Channel, sa pagitan ng bayan ng Paombong at Hagunoy sa lalawigan ng Bulacan kamakalawa ng umaga.
Ang biktima ay tatlong oras hinanap ng rescue team bago natagpuan ang kanyang bangkay.
Ayon kay Larry Santos, ama ng biktima, nagpaalam sa kanya ang anak na makikitulog sa kanyang mga pinsan isang araw makaraan dumalo sa kanilang graduation ceremony.
Sinabi ng pinsan ng biktima, magkahawak-kamay nilang binabaybay ang gilid ng ilog nang makabitiw at matangay ng agos ang bata na hindi marunong lumangoy.
Hanggang sa mawala ang biktima sa kanyang paningin habang tinatangay ng agos.
BANGKA LUMUBOG 2 BATA NALUNOD
DALAWANG bata ang nalunod nang lumubog ang sinasakyan nilang bangka sa San Nicolas, Batangas.
Kinilala ang mga biktimang sina Joseph Media, 2-anyos at Krizza Marie Ramos, 4-anyos.
Patuloy ang search and rescue operation sa isa pang pasahero na si Lorenzo de Villa, 64-anyos.
Batay sa ulat ng pulisya, galing ang mga biktima sa graduation party sa Isla Pulang Bato nang maganap ang insidente.
Sinasabing nawalan ng balanse ang bangka na kinalululanan ng 15 pasahero kaya’t lumubog ito.
Nabatid na marami sa mga bata ang nagtungo sa unahang bahagi ng bangka nang subukang abutin ang puting lobo.
Ginamit na palutang ng ibang pasahero ang kanilang bag bago sila nasagip makalipas ang 30 minuto.
(DANG GARCIA)