BIGYANG-DAAN natin ngayon ang reaksyon at paliwanag ng MTPB-OVR Redemption Center sa Manila City Hall hinggil sa tinalakay kong reklamo ng isang driver na nagkaroon ng surcharge na halos P50,000 matapos makumpiska ang kanyang lisensya sa kasong “Obstruction” at umusbong na mga kasong “Arrogance, Discourtesy of Driver” at “Violation of One-Way Street”.
Narito ang liham ng MTPB na pirmado ng Officer In Charge (OIC) na si Carter Don Y. Logica.
Ginoong Venancio,
Ito po ay bilang tugon ng aming tanggapan sa column ninyo noong March 20, 2014 – issue ng Police Files TONITE (“Sindikato sa MTPB OVR Redemption Center”) patungkol sa sumbong ng isang EGDARDO LASALITA-SINCER na kanyang kinukwestyon ang pagkakaroon ng surcharge sa kanyang huli noong March 3, 2014 (Obstruction) na umabot diumano ng P9,525.00 at ang pagkakaroon niya ng dating huli noong 2012 na hindi pa natutubos na umabot na ng P50,125.00 ang kanyang babayaran base sa huling Statement of Account, na lubha niyang tinutulan sapagkat sa kanyang pagkakaalam ay hindi siya nagkaroon ng huli ng mga panahong iyon at nang ipakita sa kanya ang nasabing lisensya ay namangha raw siya sapagkat may buhok pa siya, samantalang matagal na siyang walang buhok o panot at makintab na makintab ang kanyang ulo.
Bilang pagtutuwid ay sinuri namin ang naturang statement of account at lumalabas na ang huli niya noong March 3, 2014 ay walang nakalagay na surcharge na P9,525.00. Mukhang mali po ata ang ipinarating sa inyo ni Mr. Sincer.
Nagtungo si Mr. Sincer sa aming tanggapan noong March 21, 2014 at doon ay nakausap nya ang aming Chief for Operations na si Mr. Toti Diokno. Ipinagpilitan niya na peke ang lisensya na kung saan ay may buhok pa siya at hindi raw siya nagpapa-loss license dahil wala naman daw siyang huli noong 2012 at magmula noong 2010 ay kalbo na siya kung kaya’t paano raw nagkaroon ng buhok sa ipinakitang driver’s license? Ito raw ay peke, aniya.
Upang magbigay-linaw kung totoo ang kanyang bintang ay minabuti naming ipasuri sa Land Transportation Office (LTO) ang dalawang isensyang sa kanya nakapangalan (may buhok at walang buhok). Ayon kay Mr. Edgar J. Rosales, Records Officer ll, LTO-Manila Licensing Center, lumalabas na ang dalawang lisensya na nakapangalan kay Mr. Sincer ay tunay at ayon sa kanilang talaan sa LTO-IT Database, nag-apply si Mr. Sincer ng renewal ng kanyang lisensya noong May 24, 2005 at ang mga sumunod na renewal ay naganap noong July 22, 2008 at May 20, 2011 na ginawa sa LTO-Malabon Extension Office.
Sana po ay nabigyang-linaw ang nasabing usapin at nalinis po namin ang aming hanay sa nasabing isyu.
Maraming salamat po.
Lubos na gumagalang,
(Sgd) Carter Don Y. Logica, OIC, MTPB
Okey, ako po ang nagkamali sa konting detalye sa aking isinulat. Nagkamali ako sa pagtingin sa ibinigay sa akin na xerox ng state of account mula sa MTPB-OVR Redemption Center. Ang tama ay: Noong June 16, 2012 ay nagkaroon si Sincer ng huli na “violation of one-way street” na may multa na P2,000 (may surchage na P38,100.00) at “arrogance, discourtesy of driver” na may multa na P500 (may surchage na P9,525.00) na may kabuuang P50,125.00.
Ang pinakahuling huli niya last March 3, 2014 na “Obstruction” ay may multa na P500 at wala pang surcharge nang sana’y tubusin niya last week.
Sinuri ko ang ipinadalang xerox ng isang lisensya ni Sincer na may buhok. May expiration itong May 24, 2008. Ang isang liesensya niya na may buhok ay may expiration na Mayo 24, 2014.
Ang kinukwestyon ni Sincer ay ang umusbong niyang huli (dalawang violations) noong Hunyo 16, 2012 kung saan nagkaroon siya ng kabuuang penalty na P50,125.00. Na nalaman lamang niya few days ago nang tubusin niya ang lisensya (na walang buhok) sa MTPB OVR Redemption Center sa Manila City Hall sa huling “Obstruction”.
Wala aniya siyang maalalang nagkaroon siya ng huli nung 2012. Halimbawa naman kung may huli siya ay tinutubos agad niya ito.
Anyway, ang advise ko kay Mr. Sincer ay i-double check nya ang kasong ito sa LTO main office para ma-trace ang katotohanan.
Reklamo pa vs MTPB Towing
– Sir Joey, report ko po yung mga taga-trapik ng MTPBna nangrereker dito sa C.M. Recto sa parkingan po mismo ng Nice Hotel. Yung mga motor po ng mga empleyado saka guest pinagkakarga sa kanilang two truck. Nasa maayos po ito na paradahan, nasa parkingan po mismo. May mga alalay pa silang pulis. Mga gago! Pinagbabagsak ang mga motor! Sana malaman ito ni Mayor Estrada. – 0943344….
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015
Cell: 0919-3297810 / E-mail add: [email protected]
Joey Venancio