SINIBAK sa puwesto ng pamunuan ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang dalawang Reserved Officers’ Training Course (ROTC) cadet officers dahil sa reklamong hazing.
Matatandaang noong Pebrero, lumutang ang isang estudyanteng itinago sa pangalang “Sheena,” 18, first year student ng Institute of Technology, upang humingi ng hustisya dahil sa naranasang parusa sa hindi niya pagsipot sa briefing night ng mga aplikante para sa Cadet Officers Candidate Course (COCC) ng unibersidad.
Kinatigan ni Vice President for Student Services Dr. Juan Birion ang rekomendasyon ng Student Disciplinary Board (SDB) na i-dismiss sina Daniel Tuico at Liezl Ariston, nang mapatunayang guilty sa hazing.
Batay sa Notice of Decision, matibay na ebidensya ni “Sheena” dahil sa medico-legal certificate at litrato ng kanyang mga pasa, pero panay ang tanggi ng dalawang akusado sa akusasyon.
Gayunman, nakasaad sa opisyal na pahayag ng PUP na inilabas nitong Lunes, may 10 araw pa sina Tuico at Ariston para iapela ang kaso kay PUP President Dr. Emanuel de Guzman.
(leonard basilio)