KINOMPIRMA nina dating National Bureau of Investigation deputy directors Reynaldo Esmeralda at Ruel Lasala ang naganap na meeting ng dalawang NBI officials sa sinasabing utak ng pork barrel fund scam na si Janet Lim Napoles nitong nakaraang taon.
Gayonman, tumanggi silang tukuyin ang pagkakakilanlan ng dalawang opisyal ngunit handa silang sabihin ang lahat ng kanilang nalalaman sa gaganaping NBI ad hoc committee investigation.
Nauna rito, inihayag ni Esmeralda na naganap ang unang meeting noong Mayo 23, 2013 at sinundan ito ng isa pang meeting.
Aniya, makikita sa CCTV footage mula sa NBI, ang pagbisita ni Napoles sa ahensya para sa nasabing meeting.
“Yung mga ahente magte-testify sila dahil apparently 3 or 4 na ahente joined them during that lunch meeting. The admission itself of that official in our presence dahil complete ang directorial staff no’ng umamin siya,” pahayag ni Esmeralda.
Sina Esmeralda at Lasala ay sinibak nitong nakaraang linggo bunsod ng sinasabing pag-leak ng impormasyon kaugnay sa inilabas na warrant of arrest laban kay Napoles.
Nauna rito, sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima, inirekomenda niya ang pagsibak kina Esmeralda at Lasala bunsod ng “integrity and trust issues.”
(LAYANA OROZCO)