NAKATAKDANG magsagawa ng malawakang balasahan sa pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay ng pagreretiro ng siyam na matataas na opisyal kabilang si AFP Chief of Staff Gen. Emmanuel Bautista ngayon taon.
Si Bautista, miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1981, ay mag-reretiro sa Hulyo 20, pagsapit sa edad na 56-anyos, ang mandatory age retirement sa AFP.
Habang ang number 2 man ng AFP na si Vice Chief of Staff Lt. Gen. Alan Luga, mistah ni Bautista ay magreretiro naman sa Mayo 12 .
Samantala, nakatakda rin magretiro ang tatlong major service commanders na sina Army Chief Lt. Gen. Noel Coballes, PMA Class 1979 sa Pebrero 7; Navy Flag Office in Command Vice Admiral Jose Luis Alano sa Mayo 12, at Philippine Air Force Chief Lt. Gen. Lauro Catalino de la Cruz sa darating na Abril 30. Sina dela Cruz at Coballes ay pawang produkto ng PMA Class 1980 habang mula naman sa PMA Class 1979 si Alano.
Ang iba pang heneral na nakatakdang magretiro ay sina AFP Southern Luzon Command Chief Lt. Gen. Caesar Ronnie Ordoyo, Setyembre 8; Lt. Gen Ricardo Rainier Cruz III sa Setyembre 6; pawang ng PMA Class 1980; Western Command Chief Lt. Gen. Roy Deveraturda, Agosto 17, gra-duate ng Aviation Cadet Program of Air Force Flying School of 1980, at PMA Superintendent Vice Admiral Edgar Abogado, Pebrero 17. Sina Ordoyo, Cruz at Abogado ay miyembro ng PMA Class 1980.
Ayon naman kay AFP Spokesman Major Gen. Domingo Tutaan, Jr., hindi maapektuhan ang mga programa sa AFP sa pagreretiro ng mga matataas nitong opis-yal. (BETH JULIAN)