ZAMBOANGA CITY – Tuluyan nang nailipat sa Metro Manila kahapon ng madaling-araw ang MNLF datainees na nahuli sa kasagsagan ng pakikipagbakbakan sa tropa ng pamahalan.
Ito ay makalipas ang halos apat na buwan mula nang mangyari ang madugong pag-atake ng Moro National Liberation Front (MNLF) Misuari faction sa Zamboanga City.
Sa record ng Police Regional Office (PRO9), nasa 266 MNLF detainees ang inilipat patungo sa Bicutan Jail sa Taguig City, kabilang ang 24 rebelde na sinasabing napasuko ng dating officer-in-charge (OIC) ng Zamboanga City Police office na si S/Supt. Jose Chiquito Malayo.
Kasunod nito, nagkalat ang daan-daang miyembro ng iba’t ibang unit ng Philippine National Police (PNP) at tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) partikular sa mga dalampasigan at sa mga nagsisilbing entrance at exit point ng lungsod para masigurong walang maka-aabala habang ibinabiyahe ang detainees mula San Ramon Penal Colony at mula sa Zamboanga City Reformatory Center patungo sa loob ng Western Minadanao Command (WestMinCom) kung saan sila isinakay papunta sa Maynila.
Simula nang ma-detain sa San Ramon Penal Colony at sa Zamboanga City Jail ang mga rebeldeng MNLF, ilang impormasyon ng pagbabanta ng pag-rescue sa kanila ng mga kasamahan, ang naitala ng mga awtoridad.
(BETH JULIAN)