AMINADO ang Energy Regulatory Commission (ERC) na “pampalubag-loob” lamang sa power consumers ang pagpapaliban nito sa nakaambang power rate hike para sa buwan ng Enero ng susunod na taon.
Sa panayam kay ERC commissioner Josefina Patricia Magpale-Asirit, kinompirma ng opisyal na tuloy pa rin ang pagpapatupad ng Manila Electric Co. (Meralco) sa naunang staggered billing scheme para sa babawiing P3.44 per kilowatt-hour na pagtaas sa generation charges.
Ayon sa opisyal, ang ipinagpaliban lamang nila ay ang inaasahang rate increase para sa buwan ng Enero.
“Hindi po namin pinigil ang pagha-hike, nilagyan lamang namin ng “cap” kasi po, iyong pagtaas ng halaga ng koryente nitong Disyembre ay napakalaki, kaya ito lang muna ang pinagbigyan natin. Nandoon pa rin iyon (rate hike),” ayon sa opisyal.
Sinabi pa ng opisyal na bagama’t maipapaliban ang paniningil ng January rate hike, tuloy pa rin itong babawiin ng power distribution ulitiliy sa susunod na mga buwan.
“Kasi po, ito po ay isang produkto na nagamit na natin at may kaukulan pong halaga. Ang sinusuri po ng ERC ay kung tama ba ang pagsingil. Dahil hindi naman ito para lang sa power distritbution utility, pati rin po sa mga power generators,” giit ng komisyoner.
Bago rito, panibagong petisyon kontra sa big time power rate hike ang inihain sa Supreme Court (SC) laban sa Meralco, Department of Energy (DoE) at Energy Regulatory Commission (ERC).
Ito’y sa pamamagitan ng 36 pahinang petition for certiorari and/or prohibition na inihain ng National Association of Electricity Consumers for Reforms (NASECORE), Federation of Village Associations (FOVA), Federation of Las Pinas Homeowners Association (Folpha).
Kaugnay nito, hiniling ng mga petisyuner sa Korte Suprema na magpalabas ng temporary restraining order (TRO) o status quo ante order and injunction.
Ang class suit na inihain ng grupo ay humihiling sa SC na ideklarang null and void ang provisional grant na ibinigay ng ERC pabor sa power rate hike.