Muling idinaan ng Department of Health (DoH) sa pagsayaw ang pagpapalaganap ng kampanya kontra sa paggamit ng paputok sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Kung tumatak sa publiko ang dance craze ng ahensya sa saliw ng “Moves like Jagger” noong 2011, at “Gangnam Style” nitong 2012, ang kantang “Roar” ni Katy Perry naman ang gamit ng ahensya ngayong 2013.
“Imbes mag-roar tayo in pain, mag-roar na lamang tayo sa sayaw,” paliwanag ni Health Assistant Secretary Eric Tayag.
Layon ng kampanya ng DoH na may temang “Maging ligtas ngayong Kapaskuhan, mga biktima ng kalamidad ay handugan”, na paalalahanan ang publiko na huwag nang dumagdag sa pinsalang idinulot ng mga kalamidad.
Ani Tayag, mahigpit na binabantayan ng ahensya ang Piccolo na notoryus na paputok sa mga bata dahil ikinasugat ito ng 236 noong 2012.
Binanggit din ni Tayag na may bagong malalakas na paputok na pinangalanang “Napoles” at “Yolanda” ang mahigpit ring binbantayan ng ahensya.
Samantala, bukod sa pag-iwas sa panganib na dulot ng pagggamit ng paputok, layon din ng kampanya ng DoH na isulong ang healthy lifestyle ngayong holiday season, mag-ehersisyo lalo’t kaliwa’t kanan ang kainan.