Naaresto na si dating Pagadian City Mayor Samuel Co at asawang si Priscilla Ann Co, na sangkot sa P12-B pyramiding scam ng Aman Futures Group sa Serendra, Taguig City.
Ito ang kinompirma ni Justice Secretary Leila de Lima at ng National Bureau of Investigation (NBI), Linggo.
Nagpanggap na prospective buyer ang ilang ahente ng NBI at natunton ang unit ng mga Co sa Aston condominium.
Minanmanan nila ang mag-asawa bago hinuli sa bisa ng warrant of arrest sa kasong syndicated estafa, Sabado ng gabi.
Ani De Lima, hindi na sila magsasagawa ng press conference para ipresinta sa publiko ang mag-asawa pero papayagan nila ang media na makunan sila ng retrato habang nakakulong.
Nobyembre 2012 nang pumutok ang isyu ng P12-B pyramiding scam ng Aman Futures na pag-aari ni Manuel Amalilio.
Nasangkot ang dating Pagadian mayor nang isiwalat ni FO1 Fabian Tapayan, Jr., isa sa mga nabiktima, na sa kanya niya dinala ang halos P15 milyong investment.
Hulyo 2013, pinasampahan ng Department of Justice (DoJ) ng kasong syndicated estafa si Co, Amalilio at 10 iba pa.