NILINAW ng pamunuan ng Commission on Elections (Comelec) na maaaring ayusin ng mga pinabababa sa pwestong elected officials ang kanilang nakabinbin na kaso sa komisyon kaugnay ng bigong makapagsumite nang tamang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa nakaraang halalan.
Sinabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes, kung tutuusin ay hindi “big deal” ang kanilang kautusan sa Department of Interior and Local Government (DILG) na ipatupad ang pagpapababa sa pwesto ng mga hindi nakapagsumite ng SOCE dahil maaari itong ayusin sa pamamagitan ng pagsumite nang tamang election expenses at magmulta lamang ng hanggang sa P30,000.
Nilinaw ni Brillantes na sa kinukwestyong mga opisyal ay marami ang nakapagsumite ng SOCE ngunit hindi alinsunod sa panuntunan ng Comelec dahil ang ilan tulad nina Batangas Gov. Vilma Santos-Recto at dating Pangulong Gloria Arroyo ay hindi sila ang may lagda ng dokumento habang ang ilan naman ay maling porma ang ginamit.
Ngunit ayon sa Comelec chairman, kung makapagsusumite sila nang tamang dokumento ay wala nang problema sa Comelec at wala nang hadlang sa kanilang panunungkulan sa pwesto basta’t babayaran ang multang hanggang P30,000 bunsod ng naantalang pagsumite ng SOCE. (HNT)