MULING ipinabatid ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi na hanggang Disyembre 31, 2013 na lamang ang tax amnesty na ibinigay ng pamahalaang lokal sa nakaambang bayarin ng mga negosyong may penalties at naipong interes sa mga real property tax (RPT).
Ayon sa alkalde hangad ng hakbang na ito na muling buhayin ang business sector ng Lungsod na nakaranas ng mabagal na pag-unlad sa nakaraang anim na taon.
Ito ay konektado pa rin sa hamon na kinakakaharap ng Muntinlupeño na mabayaran ang mahigit P1 bilyon utang sa ilalim ng nakaraang administrasyon na lubos na nagpahirap sa mga nesgosyante at pumigil sa pagdadala ng basic services mula sa Pamahalaang Lungsod.
Naniniwala si Fresnedi, ang pagbibigay ng tax amnesty ay makatutulong sa mga negosyo na makapagsimulang muli at ito naman ay magsisilbing puwersa upang muling buhayin ang kalakalan sa Muntinlupa.
“Kinikilala natin ang kahalagahan ng ating business sector bilang isa sa ating katuwang sa pag-unlad,” ayon pa kay Fresnedi.
Matatandaan na nahalal na mayor sa Muntinlupa si Fresnedi nitong nakalipas na eleksyon at nang maglingkod sa mga mamamayan ay agad siyang nagbigay ng tax amnesty base sa ipinasang resolusyon ng Sangguniang Panlungsod.
(MANNY ALCALA)’