NAKATITIYAK kaming marami ang nakakita ng kakaibang chemistry nina Ryzza Mae Dizon at Bimby. Magkaiba man sila ng mundong kinalakihan (mahirap at mayaman) click ang dalawa sa pagsasama nila sa My Little Bossings na entry sa 2013 MMFF ngOctoArts Films, M-Zet Films, APT Entertainment, at Kris Aquino Productions.
Sa umpisa pa lang, pictorial at guesting, marami na ang natuwa sa dalawa. Kahit sinaVic Sotto at Kris Aquino ay natuwa na magkasundo ang dalawang bata habang ginagawa nila ang pelikula. Kumbaga, hindi na-intimidate ang Aleng Maliit kay Bimby. Hindi siya nagpatalo sa hiya para ipakita ang kanyang talent sa pag-arte.
May mga kuwento nga si Kris na maraming magagandang asal ang natutuhan ni Bimby kay Ryzza lalo na ang pagsasalita ng ‘po’ at ‘opo’. In other words, magandang impluwensiya si Aleng Maliit kay Bimby. Marami rin namang natutuhan si Ryzza kay Bimby tulad ng pagsasalita ng Ingles. Magkasundo rin daw ang dalawa sa panonood ng pelikula at kung ano-ano pang laro.
Sa presscon ng My Little Bossings, nakatutuwang pagmasdan ang dalawang bagets na habang ongoing ang tanungan ay abala naman sila sa pagdo-drawing. Kumbaga, naglalaro pa rin sila.
Sa mga ibinabatong tanong nga sa dalawa, kapansin-pansin na hindi showbiz ang kanilang mga sagot. ‘Yun bang hindi tinuruan ng anumang isasagot dahil one word din lang ang matatanggap na kasagutan. Halatang galing talaga sa kanila.
Samantala, nakita namin ang kabuuan ng trailer ng My Little Bossings habang naghihintay kami sa pagdating ng Pediatrician ng aming anak. Marami ang nanonood that time at sa bawat pakita sa mga tagpo nina Ryzza Mae at Bimby, natatawa ang viewers. Meaning, nagagandahan ang mga nakapanood. Trailer pa lang iyon, what more kung mapanood pa ito ng buo sa December 25.
Ngayon pa lang, hinuhulaan na namin na tiyak marami ang manonood ng My Little Bossings dahil kay Aleng Maliit at kay Bimby. At siyempre huwag ding maliitin ang presence nina Vic at Kris gayundin nina Aiza Seguerra, Jaclyn Jose, Jose Manalo, Paolo Ballesteros, Barbie Forteza, Neil Coleta, at Neil Sese. Mula ito sa direksiyon niMarlon Rivera at story at screenplay ni Bibeth Orteza.
Maricris Valdez Nicasio