IPINAGHARAP ng reklamong tax evasion ng Bureau of Internal Revenue sa Department of Justice ang isang contractor ng Malampaya Infrastructure Projects.
Ayon kay BIR Commissioner Kim Henares, partikular na ipinagharap ng reklamong paglabag sa Sections 254 at 255 ng National Internal Revenue Code of 1997, si Bella Tiotangco, may-ari ng BCT Trading and Construction na nakabase sa Sitio Digiboy, Guadalupe, Coron, Palawan.
Ang BCT ay kinuha ng pamahalaang panlalawigan ng Palawan para magtayo ng ilang infrastructure projects na pinondohan ng kita mula sa Malampaya noong taon 2008.
Para sa nabanggit na taon, ang idineklarang kita ni Tiotangco batay sa kanyang Income Tax Return ay P167.77 milion.
Gayonman, sa imbestigasyon ng BIR, batay na rin sa kanilang nakuhang mga tseke, disbursement voucher at official receipt na inisyu ng BCT, lumitaw na si Tiotangco ay kumita ng kabuuang P401.48 million.
Sinabi ni Henares na aabot sa P227.21 million ang kabuuang utang sa buwis ni Tiotangco.
(LEONARD BASILIO)