ILOILO CITY – Tinatayang P2 milyon halaga ng shabu ang narekober ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang operasyon sa Brgy. Trapiche, Oton, Iloilo kamakalawa ng gabi.
Nadakip sa operasyon ang mga suspek na sina Orestes Estrebor, 39, at Christian Morin, 18, kapwa residente ng Poblacion, Oton.
Ayon kay PDEA-6 Director Paul Ledesma, isang informant ang nagbigay ng impormasyon tungkol sa malaking transaksyon ng droga sa nasabing lugar kaya agad nagsagawa ng operasyon.
Nakuha mula sa mga suspek ang ¼ kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P2 milyon.
Todo-tanggi naman ang isa sa mga arestado na si Estrebor na may kinalaman siya sa nakuhang droga sa kanilang posisyon.
Nang nalaman aniya ng kanyang kompare na si Jun Tauro ng Brgy. Calamisan, Oton, na siya ay uuwi, nakisuyo sa kanya na dalhin ang padalang nasa malaking sobre at may kukuha nito sa isang restaurant sa Brgy. Trapiche, na kinahulihan si Estrebor.
Wala aniya siyang alam kung ano ang laman ng sobre ngunit sa huli ay nabanggit na balak dalhin sa Palawan ang sobreng naglalaman ng ilegal na droga.