SOLO first place ang puntirya ng Petron Blaze sa pagkikta nila ng SanMig Coffee sa PLDT myDSL PBA Philippine Cup mamayang 8 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Magtutunggali naman sa ganap na 5:45 ang Air 21 at Meralco.
Sa kasalukuyan ay kasalo ng Boosters sa itaas ng standings ang Barangay Ginebra at Barako Bull matapos na magwagi kontra Global Port (97-87) at Talk N Text (77-63).
Ang SanMig Coffee ay nakalasap naman ng magkasunod na kabiguan buhat sa Gin Kings (86-69) at Alaska Milk (84-80)..
Kapwa nagkukulang ng mga manlalaro ang Boosters at Mixers bunga ng injuries. Hindi nakapaglalaro sa Petron sina Alex Cabagnot, Chico Lanete at Yousef Taha samantalang hindi nakakasama ng Mixers sina Peter June Simon at Joe de Vance.
Binabalikat ng Most Valuable Player na si Arwind Santos ang katungkulan sa Petron, Nakakatulong niya sina JuneMar Fajardo, Chris Lutz, Marcio Lassiter at Chris Ross.
Nami-miss naman ng Mixers sina Peter June Simon at Joe deVance. Ang kawalang ito ay naging sanhi ng pagkatalo ng Mixers sa Gin Kings (86-69) at Alaska Milk (84-80).
Ang SanMig Coffee ay pinamumunuan nina James Yap, Marc Pingris at rookie Ian Sangalang na second pick sa nakaraang Draft.
Ang Air 21, na ngayo’y pinangungunahan ni Paul Asi Taulava, ay natalo sa Barako Bull (88-75) at Global Port (114-100) samantalang ang Meralco ay yumuko sa Talk N Text (89-80) at Rain Or Shine (94-89).
Nakakatulong ni Taulava sina Nino Canaleta, Joseph Yeo at Bonbon Custodio. Si Mark Cardona, na nakuha buhat sa Meralco bago nag-umpisa ang season, ay hindi pa nakapaglalaro bunga rin ng injury.
Ang Meralco ay isa sa dalawang koponang hindi nagpapirma ng rookie at umaasa sa mga beterano. Ang Bolts ay sumasandig ngayon sa scoring champion na si Gary David na nakuha buhat sa Global Port.
(SABRINA PASCUA)