HAHARAP ngayon si Rain or Shine coach Yeng Guiao kay PBA Commissioner Chito Salud ngayong alas-11 ng umaga dahil sa paggamit ni Guiao ng dirty finger sign sa laro ng Elasto Painters kontra Barangay Ginebra San Miguel sa PBA MyDSL Philippine Cup noong Linggo.
Sinabi ni PBA media bureau chief Willie Marcial na napanood ni Salud ang video ni Guiao na ipinakita pa nang live sa TV5 sa harap ng mga manonood.
Nangyari ito sa huling 11:41ng laro nang iprinotesta ni Guiao ang foul ng rookie ng ROS na si Jeric Teng kay Jayjay Helterbrand.
Nanalo ang Kings, 97-84, sa larong iyon dahil sa pinagsamang 37 puntos, 23 rebounds at limang supalpal nina Japeth Aguilar at Greg Slaughter.
Ilang beses na tinawagan ni Salud si Guiao dahil sa palagi niyang pag-angal sa mga reperi.
Samantala, kinompirma ni Meralco coach Ryan Gregorio na plano ng Bolts na kunin ang free agent na si Danny Seigle para palakasin ang kanilang lineup.
May dalawang talo ang Bolts ngayong torneo at hindi makakalaro si Cliff Hodge kontra Air21 mamaya dahil sa pilay sa tuhod.
“We are seriously considering (Seigle). Initial talks have been done,” ani Meralco coach Ryan Gregorio.
Walang koponan si Seigle ngayon pagkatapos na hindi siya binigyan ng bagong kontrata ng Barako Bull. (James Ty III)