Tuesday , November 26 2024

Mass graves kapos sa dami ng bangkay

111813_FRONT

TACLOBAN CITY — Kinukulang na ng lugar na maaaring paglibingan ang lokal na pamahalaan ng Tacloban para sa mga narekober na mga bangkay sa nagpapatuloy na retrieval at clearing operations ng mga awtoridad.

Ayon sa ulat, karagdagang 200 bangkay pa ang narekober ng retrieval team sa lungsod, kaya umakyat na sa 800 ang kompirmadong namatay habang 300 iba pa ang patuloy na pinaghahanap.

Ayon kay City Vice Mayor Jerry Yaokasin, sa nasabing bilang ay kalahati pa lamang ang kanilang naiilibing dahil kinukulang na sila ng lugar na maaaring paghukayan para maihatid sa huling hantungan ang mga biktima.

Pansamantalang nakalagak ang mga bangkay sa mga lugar kung saan sila narekober.

Nakatakda namang magpulong ang city government para pag-usapan ang susunod na hakbang para matugunan ang problema.

DEATH TOLL SA YOLANDA UMAKYAT NA SA 3,976

PATULOY sa pagtaas ang bilang ng mga namatay sa pananalasa ng super typhoon Yolanda.

Sa latest report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umakyat na sa 3,976 ang opisyal na bilang ng mga namatay habang nasa 1,590 katao pa ang pinaghahanap at 18,175 ang injured.

Binanggit ni NDRRMC spokesperson Major Reynaldo Balido, karamihan sa narekober na mga bangkay ay wala pang pagkakakilanlan.

“Karamihan d’yan ay halos hindi pa identified. Alam naman natin matindi ang naging devastation. At may mga kaso na buong pamilya (ang namatay) at wala nang nagbibigay ng pagkakakilanlan sa mga katawan na iyan,” ani Balido.

Sinabi rin ng opisyal na karamihan sa narekober na mga bangkay ay mula sa Samar at Leyte na kabilang sa mga lalawigang labis na sinalanta ng bagyo.

Sa hiwalay na ulat, pumapalo sa 4,460 ang bilang ng mga namatay ayon sa tala ng Office of Civil Defense (OCD) Region 8.

23 FOREIGN MEDICAL TEAM NASA TYPHOON AFFECTED AREAS

MAYROON nang 23 foreign medical teams ang naitala ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) mula sa iba’t ibang bansa ang  naka-deploy sa typhoon-affected areas.

Ilang volunteer doctors mula Belgium ang nagbibigay ng libreng medical assistance sa Eastern Samar habang ang medical volunteers mula Germany ay kasalukuyang nasa Leyte.

Nasa bahagi naman ng Panay island ang volunteers mula sa bansang Switzerland at Canada.

Ang medical teams mula sa US, Japan, Australia, France, Malaysia, The Netherlands at Korea ay nasa iba’t ibang komunidad sa Leyte na matinding hinagupit ng Bagyong Yolanda.

Habang ang mga doctor at iba pang volunteers mula sa bansang Spain, Israel, Japan, Canada at Norway ay nasa Cebu at nagbibigay ng tulong- medikal sa mga komunidad na sinalanta rin ng bagyo.

2 US WARSHIPS NG RELIEF GOODS NASA ORMOC NA

NAKADAONG na sa pier ng Ormoc ang dalawang US warships na puno ng relief goods.

Ipinamahagi na sa mga survivor ng bagyo ang mga dumating na relief goods sa iba’t ibang lugar sa Ormoc.

Hindi tumitigil ang ayuda ng Estados Unidos sa mga lugar na matinding sinalanta ni Bagyong Yolanda.

Sa katunayan patuloy sa pagbuhos ang kanilang mga tulong sa typhoon stricken areas.

Bukod sa mga barko ng US, patuloy sa paglipad ang air assets ng US Armed Forces para mamahagi ng relief goods.

DoH nagpasaklolo
EMBALSAMADOR KAILANGAN SA EASTERN VISAYAS

NAGPASAKLOLO ang Department of Health (DoH) sa mga embalsamador para tumulong sa mga foreign forensic expert upang mapadali ang pagkilala sa libo-libong katao na namatay sa pananalasa  ni Yolanda sa Eastern Visayas.

Ayon kay Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, ng DoH-National Epidemiology Center (NEC), kailangan ng kagawaran ng 20 embalmer, pero hindi aniya sila mag-e-embalsamo ng mga patay.

Tutulong ang volunteer-embalmers sa mga forensic experts sa tagging, handling at pagkilala sa mga bangkay.

Napag-alamang mabagal ang tagging at pagkilala sa mga bangkay dahil sa kakulangan ng mga taong gagawa nito.

Ang resulta, mabagal din ang disposisyon ng mga bangkay at inirereklamo ng mga tao ang mabahong amoy dahil sa mga bangkay na nakakalat  sa mga kalsada.

Bibigyan aniya ng pamasahe ng DoH ang  mga embalsamador na gustong mag-volunteer.

Mas mabuti aniya kung ang mga volunteer-embalmer ay mula rin sa Eastern Visayas.

Ang mga embalsamador na interesadong maging volunteer ay maaaring kumontak sa DoH hotline 711-1001. (leonard basilio)

Kahit nasa state  of national calamity
P200/LITRO  NG PETROLYO SA TACLOBAN

PATULOY sa paghahanap ng alternatibo at kongkretong hakbang ang Department of Energy (DoE) para resolbahin ang kakapusan ng supply ng langis sa Eastern Visayas, partikular sa Tacloban City.

Nabatid na umaabot na ang halaga ng premium gasoline sa Tacloban sa halagang P200 kada litro habang P150 bawat litro ang unleaded gasoline.

Ayon kay DoE Sec. Jericho Petilla, nakikipag-ugnayan na sila sa iba pang tanggapan ng pamahalaan na makatutulong sa nasabing problema.

Panukala ng ilang grupo, magtayo ng pansamantalang imbakan ng mga produktong petrolyo na magagamit sa delivery ng relief goods at maibebenta rin sa publiko sa mas mababang halaga.

Nagpapatuloy ang pagsasaayos ng power lines sa Eastern Visayas at inaasahang tatagal ang proseso ng ilang buwan.

About hataw tabloid

Check Also

Miss Universe Philippines 2024 Chelsea Anne Manalo, hinirang bilang Natatanging Kabataang Bulakenyo

LUNGSOD NG MALOLOS – Iginawad ang prestihiyosong Natatanging Gintong Kabataang Bulakenyo award kay Chelsea Anne …

Mikee Quintos Paul Salas

Paul at Mikee naiyak sa ganda ng kanilang pelikula

I-FLEXni Jun Nardo WORTH it ang unang big screen team up ng showbiz couple na …

DOST 2024 NSTW in Cagayan de Oro City

DOST 2024 NSTW in Cagayan de Oro City

2024 NATIONAL SCIENCE, TECHNOLOGY AND INNOVATION WEEK Siyensya, Teknolohiya at Inobasyon: Kabalikat sa Matatag, Maginhawa, …

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

The Department of Science and Technology (DOST), in collaboration with Western Mindanao State University (WMSU), …

MOHS Remed Pharmaceuticals

MOHS acquires major pharma company

In pursuit of its strategy of vertical integration of its flagship healthcare and wellness business, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *