MAAARING nagtapos lamang sa ikaanim na puwesto ang Pilipinas sa kabuuang ranggo ng ika-33 Southeast Asian Games, ngunit mas maliwanag ang ipinakitang kuwento ng bansa sa mga Olympic discipline, kung saan nalampasan nito ang karamihan sa mga karatig-bansa at nalagpasan pa ang host na Thailand batay sa porsiyento sa mga larong nilalaro rin sa pandaigdigang entablado.
Habang itinuturing ng mga kritiko ang kabuuang bilang ng medalya bilang sukatan ng kabiguan, ipinapakita ng mas malalim na pagsusuri ang ibang larawan. Pitumpung porsiyento ng 50 gintong medalya ng Team Philippines ay nagmula sa mga Olympic sport, na nagtali sa Singapore sa pinakamataas na porsiyento sa 11 bansang lumahok, ayon sa vnexpress.net, isang Vietnamese online newspaper.
Nagtapos ang Singapore sa ikalimang puwesto na may 52 ginto, 61 pilak, at 87 tanso, kabilang ang 20 sa aquatics—isang pangunahing Olympic sport. Samantala, umangat ang Pilipinas sa iba’t ibang disiplina, mula sa athletics (5 ginto) at swimming (3) hanggang gymnastics (3), triathlon (3), at modern pentathlon (3).
Ang boxing, na tradisyunal na lakas ng mga Pilipino, ay naging kontrobersyal. Ibinigay ni Eumir Marcial ang nag-iisang gintong medalya ng bansa, habang nilimas ng Thailand ang 14 sa 17 kategorya. Ayon sa mga tagamasid, kaduda-dudang paghusga ang naging dahilan ng pagkawala ng tatlo hanggang apat pang posibleng titulo para sa Pilipinas.
Bukod sa boxing, nakamit ng Pilipinas ang mga makasaysayang tagumpay sa women’s football, men’s baseball, tennis, at beach volleyball. Pinatatag pa ng iba pang Olympic sports ang kabuuang medalya: basketball (2), judo (2), skateboarding (2), softball (2), taekwondo (2), rowing (1), sailing (1), short-track speed skating (1), weightlifting (1), at wrestling (1).
Kung nabigyan sana ng pagkakataon na makipagkumpitensya sa lahat ng anim na apparatus at all-around event sa men’s artistic gymnastics, posibleng nakapagdagdag si Carlos Yulo ng apat hanggang limang gintong medalya para sa Pilipinas, kabilang ang titulo sa men’s team event.
Ang dalawang beses na Olympic gold medalist ay hindi lumahok sa SEA Games matapos limitahan ng host ang mga gymnast sa iisang apparatus lamang.
Batay sa porsiyento, sumunod sa Pilipinas at Singapore ang Indonesia na may bahagyang mas mababa sa 65 porsiyento ng mga gintong medalya mula sa Olympic sports, kasunod ang Thailand (64 porsiyento), Malaysia (57 porsiyento), at Vietnam (51.85 porsiyento).
Bilang host, nanguna ang Thailand sa kabuuang talaan na may 233 ginto, 154 pilak, at 113 tanso. Pumangalawa ang Indonesia (91-112-130), pumangatlo ang Vietnam (87-81-110), at pumang-apat ang Malaysia (57-57-117).
Gayunpaman, binibigyang-diin ng tagumpay ng Pilipinas sa mga Olympic sport ang potensiyal nitong mas lalong magningning sa pandaigdigang entablado, lalo na habang papalapit ang 2028 Los Angeles Olympics. (PSC MCO/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com