SUMUKO si Porac, Pampanga Mayor Jaime Capil nitong Martes, 2 Disyembre, sa Pasig City RTC Branch 265 at nagpiyansa para sa mga kasong graft kaugnay ng kontrobersiyal na POGO hub sa kanyang bayan.
Nagsumite si Capil ng cash bond na P630,000, kaya binawi ng korte ang utos nang pag-aresto na may petsang 27 Nobyembre at ang inilabas na warrant of arrest na may petsang 28 Nobyembre.
Nakatakda ang arraignment at pre-trial hearing ng kaso laban sa alkalde sa 11 Disyembre, 1:30 ng hapon.
Sa isang pahayag kasunod ng kanyang pagsuko, iginiit ni Capil na hindi siya kailanman nagtago at sinabing sumusunod siya sa mga legal na proseso.
Nahaharap si Capil sa pitong bilang ng graft, matapos lumabas ang mga alegasyon na pinayagan niya ang ilegal na operasyon ng POGO na kilala bilang Lucky South 99 na mag-operate sa Porac noong 2024.
Noong Abril, napatunayan ng Office of the Ombudsman na dapat managot si Capil para sa gross neglect of duty kasunod ng utos na pagpapatalsik sa puwesto.
Iniutos ng Ombudsman na tanggalin ang mga benepisyo sa pagreretiro ni Capil at nahaharap din sa habambuhay na pagbabawal sa paghawak ng kahit anong posisyon sa gobyerno.
Gayonman, nitong nakaraang Mayo ay muli siyang nahalal bilang alkalde ng Porac.
May kabuuang halagang P90,000 ang inirerekomendang piyansa sa pitong kaso, na maaaring ibigay sa pamamagitan ng corporate surety, property bond, cash deposit, o recognizance sa ilalim ng Rule 114 ng Rules of Court. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com